Sumakay sa elevator para tumakas sa pulis
- BULGAR
- Jul 7, 2022
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 7, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Mario ng Bataan.
Dear Maestra,
Isang mapagpalang araw sa inyong lahat. Nawa’y lalo pang dumami ang tumatangkilik sa inyong pahayagan.
Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na nagmamadali akong sumakay ng elevator dahil tinatakasan ko ang isang pulis na gustong dumakip sa akin.
Napagbintangan ako sa isang krimen na hindi ko naman ginawa. Tapos nang makarating ako sa 25th floor, pinindot ko agad pababa sa ground floor at tuluyan ko nang natakasan ang pulis na humahabol sa akin. Nagising ako at hindi makahinga, gayundin, tuyong-tuyo ang aking lalamunan.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Mario
Sa iyo, Mario,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na sumakay ka ng elevator pataas hanggang marating mo ang 25th floor ay tatanggap ka ng karangalan. Pararangalan ka dahil sa iyong nagawang kabutihan. Pero ang sabi mo ay pinindot mo pababa ang elevator hanggang sa ground floor, ito naman ay nagpapahiwatig ng paparating na gulo sa buhay mo kung saan masasangkot ka sa isang kaguluhan sa lugar n’yo.
Samantala, ang ibig sabihin ng tumatakas ka para iwasan ang pulis na humahabol sa iyo dahil napagbintangan ka sa krimen na hindi mo naman ginawa, at sabi mo ay natakasan mo naman ang nasabing pulis. Ito ay nangangahulugan na bagama’t nasangkot ka sa isang gulo, ito ay maiiwasan mo at sa bandang huli ay malulusutan at maisasaayos mo ito.
Ang 25th floor naman ay nangangahulugan ng pagkalito at pabago-bagong isipan, kung saan hindi ka makakapagpasya nang maayos. Makabubuting kung ano ang una mong naisipan, ‘yun ang gawin mo. Huwag mo nang baguhin pa dahil guided ka ng holy spirit sa una mong desisyon.
Muli, huwag ka nang magdalawang-isip pa.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments