Suko sa lasenggong utol
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig |Pebrero 15, 2023
Dear Sister Isabel,
Kumusta na kayo? Nawa ay nasa mabuti kayong kalagayan. Nais kong humingi sa inyo ng payo tungkol sa kapatid kong nagwawala sa tuwing nakakainom ng alak. Muntik na siyang mapatay ng kainuman niya dahil sa ugali niyang ‘yun.
Mabait at maalalahanin naman siya kapag hindi lasing. Ang problema, kapag lasing ay nawawala na siya sa sarili.
Minsan ay sinubukan namin siyang pagsabihan at pangaralan na mali ang kanyang ginagawa nang minsang payapa at panatag ang isip niya at hindi pa nakakainom ng alak.
Nakinig naman siya at isang buwan ding hindi uminom ng alak. Akala namin ay magbabago na siya, pero hindi pa pala, bagkus ay lalo siyang lumala.
Ano ang dapat naming gawin? Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng kaukulang payo para sa pagbabago ng ugali ng kapatid kong lasenggo. Hihintayin ko ang inyong payo.
Nagpapasalamat,
David ng Aklan
Sa iyo, David,
Ang mabuti mong magagawa ay ipa-rehab ang kapatid mo bago pa lumala ang pagwawala niya tuwing siya ay nalalasing. Kailangan na niya ang tulong ng mga propesyunal sa rehabilitation center.
Bagama’t masakit mawalay sa kapatid, ngunit kung kinakailangan ay dapat mo itong ipatupad.
Batid kong sa rehab center ay maaalalayan siya ng mga kinauukulan. Malalagay sa ayos ang ugali niya at marami pang bagay ang matututunan niya ru’n upang ganap nang mawala ang bisyo niyang pag-inom ng alak. Gawin mo na ito ngayon bago pa mahuli ang lahat.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments