Subway, baka maudlot pa sa banggaan ng Makati at Taguig
- BULGAR
- Sep 8, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 8, 2023
Posibleng mabulilyaso ang P200 billion Makati Subway System project, na pinakahuling naapektuhan sa desisyon ng Supreme Court hinggil sa pagbibigay ng hurisdiksyon sa ilang mga barangay na dating sakop ng Makati City sa Taguig City.
Ayon sa Philippine Infradev Holdings, na nasa likod ng pagpapaunlad ng riles, ang naturang desisyon ay tatama sa magiging depot at ilang mga istasyon na nasa mga apektadong lugar, at ang proyekto ay joint venture ng kumpanya at ng Makati, sa ginanap na disclosure sa Philippine Stock Exchange, kamakalawa.
Gayunman, sinabi ng Infradev na nagpadala na sila sa Makati City government ng Intent Notice para ipanukala ang pagpapatuloy ng pag-uusap matapos ang mga pagbabago dulot ng desisyon ng SC.
Pahayag ng kumpanya, na ang “alignment” ng subway ay hindi na magagawa resulta ito ng paglalagay sa mga EMBO barangays sa pamamahala ng Taguig City.
Paliwanag pa ng Infradev, mayroong 10 underground na istasyon na daraanan ang subway system kabilang na ang Ayala Triangle, Makati City Hall, University of Makati hanggang sa Bonifacio Global City. Gayundin, partikular na apektado rito ang depot na planong itayo sa Barangay Cembo, at mga istasyon sa University of Makati sa Barangay West Rembo at isa pa sa Ospital ng Makati sa Bgy. Pembo.
Nangako naman ang Infradev na agad silang magbibigay ng karagdagang impormasyon sa mga magiging development sa proyekto pati na rin ang resulta ng kanilang pakikipag-usap sa lokal na pamahalaan ng Makati.
Dahil sa alitan sa teritoryo ng dalawang lungsod, nanganganib ang maganda sanang proyekto na malaking maitutulong sa publiko.
Lumalawak din ang nagiging problema dulot ng pag-aagawan at siyempre apektado nang husto ang mga residente na kanilang nasasakupan.
Marahil, dapat nang upuan at pag-usapan ito ng masinsinan para matapos na at maipagpatuloy na rin ang mga naaantalang proyekto.
Kailangan lang siguro sa mga kinauukulan na magkasundo at patuloy na magtulungan para maserbisyuhan nang maayos ang taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments