top of page

Strong Group kampeon sa Jones Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 22, 2024
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 22, 2024



Sports News

Nakamit ng Strong Group Athletics ang ika-pitong William Jones Cup para sa Pilipinas at tinakasan ang host Chinese-Taipei Blue sa overtime, 83-79, Linggo ng gabi sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Parehong pumasok sa laro na walang talo sa pitong laro ang magkatunggali at ang magwawagi ay agad tatanghaling kampeon.


Bago siya nagpaalam ay ibinigay ni Chris McCullough ang lamang, 80-78, na may 2:43 nalalabi sa overtime matapos mahulihan ng goaltending si 7’0” Brandon Gilbeck. Napulot ni McCullough ang kanyang ika-lima at huling foul nang banggain si Adam Hinton at kinailangang kumapit ng husto ng SGA sa last two minutes.


May pagkakataon ang Taipei pero isang free throw lang ang naipasok ni Ma Chien Hao galing sa ika-lima at huling foul ni Tajuan Agee, 79-80, at 14 segundo sa orasan. Mula doon ay napilitan mamigay ng foul at sinigurado ng mga free throw nina Jordan Heading at DJ Fenner ang tagumpay.


Sa fourth quarter, bumanat ng siyam na sunod na puntos ang SGA na tinuldukan ng three-points ni Keifer Ravena para maagaw ang bentahe, 73-71. Ipinilit ni Gilbeck ang overtime, 73-73 nang ipasok niya ang mintis ni Chen Ying Chun at pitong segundo sa orasan.


Matapos dalhin sa ospital dahil sa masamang nakain, ipiniga ni Agee ang lahat ng kanyang naiiwang lakas para gumawa ng 21 puntos at siyam na rebound. Nag-ambag ng 15 si Fenner at 14 si RJ Abarrientos habang 12 si McCullough na napilitan maglaro kahit marami na ang kanyang foul.


Pumangatlo ang Ukraine (6-2) at sinundan ng Malaysia (5-3), Chinese-Taipei White (4-4) at Japan Under-22 (3-5). Tabla sa 1-7 ang tatlong koponan sa ilalim at ayon sa tiebreaker, nanaig ang United Arab Emirates (+7) sa Brisbane South Basketball League Guardians (+3) at kulelat ang Future Sports ng Amerika (-10).


Ito na rin ang pangatlong Jones Cup para kay Coach Charles Tiu na hinawakan ang Mighty Sports noong 2016 at 2019. Ang iba pang mga kampeonato ng Pilipinas ay inihatid ng 1981 Northern Cement at 1985 San Miguel na parehong ginabayan ng namayapang si Coach Ron Jacobs, 1998 Centennial Team ni Coach Tim Cone at 2012 Gilas Pilipinas ni Coach Chot Reyes.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page