Straight head line, indikasyon na uunlad at yayaman
- BULGAR

- Jul 16, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| July 16, 2020

KATANUNGAN
Gusto kong malaman kung ano’ng edad ako magsisimulang yumaman. Sabi n’yo, ang mga taong may straight Head Line sa palad ay yumayaman.
Ganu’n ang guhit sa aking mga palad. Tama ba ako na darating din ang araw na ako ay yayaman, kung oo, kailan ito mangyayari at sa paanong paraan?
KASAGUTAN
May bagong pilosopiya o aral na itinuro sa Dikong Ben noong araw habang sinusuri niya ang kaliwa at kanang palad ng isang kaibigang bumisita sa kanyang accounting firm office. Habang kaharap ako, sabi niya sa akin, “Alam mo, Honorio, ‘yang mga manghuhula, nahuhulaan nila ang nakaraan at nahuhulaan ang kasalukuyan at ang darating, pero itong karunungang dala-dala ko na ituturo ko sa iyo ngayon ay iba!” “Iba?” ang may pagulat kong tanong sa medyo nagtatakang tinig. “Ano naman ang ikinaiba ng karunungan mo?” Ang muli kong usisa sa aking kausap. Sumagot siya, “Sapagkat ang ituturo ko sa iyo ngayon ay kung paano mo mapangyayari ang gusto mo!” “Ganu’n!” ang pagulat kong nasabi sa kanya. “Oo,” sabi niya at idinagdag pa niya ang ganitong paliwanag: “Alam mo, kung mahusay kang manghuhula, bagama’t nakita mo ang nakaraan, nabasa mo rin ang kasalukuyan at ang darating pa lamang, pero ano ang kahalagahan nito kung hindi mo naman magagawang mangyari ang gusto o hangarin ng namumroblemang tao?” Siya rin ang sumagot sa kanyang tanong: “Wala, hindi ba?”
Sabi pa ni Dikong Ben, “Kapag ang isang manghuhula ay may dala-dalang puwersa o enerhiya, kaya niyang ilipat sa kanyang hinuhulaan ang enerhiyang ito upang mapangyari ang kanyang gusto at ang gusto ng taong kanyang hinuhulaan!” Sa susunod na mga araw, muli natin itong tatalakayin.
Samantala, tama ka Zedrick, nagtataglay ka ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, tunay ngang uunlad at yayaman ka at ito ay maingat na inilarawan ng pagkapal at pagsisimula ng Fate Line sa kalagitnaang bahagi ng Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow b., F-F arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa edad mong 45 pataas hanggang 55, magsisimula ka nang yumaman dahil na rin sa kasalukuyan mong propesyon o trabaho na hindi ka umaalis sa nasabing linya.
Sa sinop-sinop na pamumuhay, mapo-promote ka sa iyong trabaho, madaragdagan ang mga sideline mo (e-e arrow d.) hanggang sa bandang huli, hindi n’yo na mamamalayan ng misis mo na malaki-laki na pala ang ipon n’yo sa bangko, sapat upang matawag ng ilang n’yong kapitbahay na mayamang-mayaman na kayo.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Zedrick, sa 2025 sa edad mong 45 pataas, mangyayari nang unti-unti at tuluyang magaganap ang pag-unlad ng kabuhayan hanggang sa marating mo ang rurok ng kaulanran sa edad na 55 pataas.




Comments