by Info @Buti na lang may SSS | Dec. 8, 2024
Dear SSS,
Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung paano ang computation ng SSS maternity benefit. Magkano naman po ang benefit na maaari kong makuha para rito? Salamat — Thelma
Mabuting araw sa iyo, Thelma!
Ang SSS Maternity Benefit ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa mga kababaihang miyembro nito para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa panganganak. Sa ilalim ng Republic Act 11210 o mas kilala sa Expanded Maternity Leave Law (EMLL), 105 araw na ang ibinabayad na maternity leave sa miyembro ng SSS, maging ito ay normal o caesarian delivery simula Marso 11, 2019. Samantala, binibigyan naman ng 60 araw na bayad na maternity leave ang mga kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy (ETP).
Samantala, pinapayagan din sa programang ito na i-allocate o ilipat ng babaeng miyembro ang maximum na pitong araw mula sa kanyang 105 days maternity leave sa tatay ng kanyang anak, kasal man sila o hindi gayundin sa kanyang alternate caregiver na kamag-anak o partner na kasamang naninirahan sa iisang bahay. Dagdag pa rito, may option na i-extend ng kababaihang miyembro lalo na ang mga single mother ng karagdagang 15 days na walang bayad ang kanilang maternity leave.
Paano nga ba maging kuwalipikado sa programang ito? Una, Thelma, dapat alamin natin ang semestre ng iyong panganganak. Ang semestre ay binubuo ng dalawang magkasunod na kuwarter o katumbas ng anim na buwan at nagtatapos sa kuwarter kung saan nakapaloob ang buwan ng panganganak. Kapag alam na natin ang semestre ng iyong panganganak, tingnan ang 12-month period matapos ang semestre at alamin kung may hindi bababa sa tatlong buwanang hulog ka sa iyong records. Kung mayroon kang tatlong hulog (o higit pa) sa loob ng 12-month period na ito, qualified kang makakuha sa maternity benefit.
Sunod, alamin mo ang iyong average daily salary credit. Kinukuwenta ang average daily salary credit (ADSC) sa pamamagitan ng pagpili ng anim na pinakamatataas na monthly salary credit sa loob ng 12-month period. Kunin mo ang kabuuang halaga ng anim na MSC na ito at i-divide sa 180 (constant divisor). Anumang halaga na makuwenta rito ay ang iyong average daily salary credit.
Panghuli, i-multiply ang average daily salary credit sa 105 kung normal o caesarian delivery o kaya sa 60 kung nakunan o ETP upang makuha kung magkano ang maternity benefit na iyong matatanggap.
Halimbawa, ang isang miyembro ay nanganak noong Hunyo 26, 2024 at sumusuweldo ng P20,000 kada buwan. Ang semester of contingency niya ay mula Enero hanggang Hunyo 2024. Kaya ang 12-month period niya ay magsisimula sa Enero 2023 hanggang Disyembre 2023. Dito pipiliin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit. Sa kanyang nakatalang MSC na P20,000, kukunin natin ang total ng anim na napiling MSC at makukuha natin ang 120,000, matapos nito ay i-divide ang 120,000 sa 180. Ang lalabas na average daily salary credit ay P666.67. Ang P666.67 ay imu-multiply sa 105 days, kung normal o caesarian delivery at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P70,000.
Subalit kung nakunan o sumailalim sa ETP, i-multiply ang P666.67 sa 60 at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P40,000.
Dapat palaging siguruhin ng miyembro na updated ang kanyang kontribusyon sa SSS upang maging kuwalipikado sa maternity benefit program. Samantala, wala ng kaukulang limit sa pagdadalang-tao ng miyembro simula noong ipatupad ang EMLL. May prescriptive period of filing naman na sinusunod ang SSS kung saan maaaring i-file ang maternity benefit claims sa loob lamang ng 10 taon mula sa araw ng kanilang panganganak.
Maaari nang i-file ang Maternity Benefit Application online sa pamamagitan ng My.SSS portal na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph).
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Comentarios