Sonic Clay sikat sa PHILTOBO Race
- BULGAR
- Dec 12, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 12, 2023
Nagpasikat sa mga karerista si Sonic Clay nang manalo ito sa PCSO - PHILTOBO Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Sinakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, hindi nito masyadong inapura sa largahan si Sonic Clay at pumuwesto lang sa pangatlo upang panoorin ang nagbabanatan sa unahan na sina Agi Daw at Eazacky.
Pagsapit ng karera sa far turn ay inagaw na ni Sonic Clay ang bandera sa naglulutsahang sina Agi Daw at Eazacky.
Nakalamang ng dalawang kabayo si Sonic Clay kay Elegant Lady pagsungaw ng rektahan habang nasa tabing balya naman si Agi Daw. Patuloy ang matikas na takbo ni Sonic Clay sa rektahan kaya naman tinawid nito ang meta ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Agi Daw.
"Napakahusay ni Sonic Clay, kahit mahaba ang karera tingin ko mas malayong mananalo," saad ni Andy Torrevillas, veteran karerista.
Inirehistro ni Sonic Clay ang tiyempong 1:26.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si A.C. Tan ang P300,000 premyo muna sa sponsor na Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Nasikwat ng pumangalawang si Agi Daw ang P112,500 habang nasilo ng tersero at pang-apat na sina Elegant Lady at Glamour Girle ang P62,500 at P25,000 ayon sa pagkakasunod.
Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Samantala, masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang dahil balanse ang naging lineup kaya maganda ang lahat ng labanan.








Comments