Socmed vs. krimen, epektibo o delikado?
@Editorial | August 27, 2022
Holdapan, paggamit ng ilegal na droga, pagdukot, pang-aabuso, pagpatay, halos lahat na yata ng krimen, eh, nahu-hulicam na sa panahon ngayon.
At minsan, bago pa makarating sa kaalaman ng mga awtoridad eh kalat na online. Saglit pa lang na naka-post, viral na.
Okay naman daw sa kapulisan ang ginagawang pagpo-post ng krimen sa social media. Patunay umano ito na tumataas na ang antas ng vigilance o pagka-alerto ng publiko.
Sa pamamagitan nito, naipababatid ng mamamayan sa mga awtoridad at kaukulang ahensya ng gobyerno ang mga nangyayari sa kanilang lugar. Paalala lang sa mga nagpo-post, maging maingat. Huwag hayaang malagay sa alanganin ang ating buhay.
Kaugnay nito, dapat ding mas paigtingin ng kinauukulan ang isinasagawang Cyber Patrolling bansa. Kailangan ding i-validate ang lahat ng mga video na kumakalat sa social media. Lalo't may mga report na karamihan umano sa mga videos na nagba-viral ay nangyari ilang taon na ang nakakalipas at naresolba na ng mga awtoridad.
May ilang indibidwal na nagre-recycle ng mga video para makakuha pa ng mas maraming followers o di kaya’y palabasin na unstable ang ating pamahalaan.
Hindi maitatanggi na may mga pasaway talaga sa paligid. Tipong 'pag nakahanap ng pagkakataon na kumita, gagawa at gagawa ng paraan para umalagwa.
At kapag may nahuli, bukod sa pag-take down ng peke at malisyosong videos na nagdudulot ng kalituhan sa taumbayan, dapat itong patawan ng mabigat na parusa.
Gamitin sana natin ang teknolohiya sa makabuluhang bagay, sa makakatulong sa sarili at sa pamayanan at hindi 'yung makakagulo lang at dagdag-problema na naman.



Comments