Sobrang labs pa rin ang ex-bf, makakabalikan at papakasalan
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 9, 2022

KATANUNGAN
Nakipag-live-in ako sa boyfriend ko sa pag-aakalang kami na ang magkakatuluyan. Pero nagkamali ako dahil naghiwalay din kami at iniwan niya ako. Hindi ko na alam kung nasaan siya, pero umaasa akong babalik pa siya balang-araw.
Walang malinaw na dahilan kung bakit niya ako iniwan, pero hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya at nararamdaman kong mahal pa rin niya ako. Maestro, magkakabalikan pa ba kami at kung oo, kailan ito mangyayari?
KASAGUTAN
Ang obvious na dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabing hindi naman dalawang meaningful relationship ang nais nitong ihayag. Bagkus, dahil magkasing-haba, magkasing-kapal at halos magkapareho ang nasabing dalawang guhit, idagdag pang sobra ang lapit ng mga ito sa isa’t isa (arrow a. at b.), ito ay malinaw na tanda na darating ang araw na hindi mo inaasahan, biglang babalik sa iyong piling ang dating live-in partner mo upang yayain ka nang magpakasal.
Ang pag-aanalisang may happy ending pa ring inaasahan sa inyong mahiwagang relasyon ay madali namang kinumpirma ng zodiac sign mong Virgo, habang Taurus naman ang ex-boyfriend mo. Sa Western Astrology, dahil ang Taurus at Virgo ay may iisang elementong tinataglay at ‘yun ay ang elementong earth o lupa, sadyang compatible sila. Ibig sabihin, magkahiwalay man sila nang sandali o mahabang panahon, palaging buo ang landas upang sila ay muling magkabalikan at sa bandang huli, tulad ng naipaliwanag na, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na samahan.
MGA DAPAT GAWIN
Sinasabing “full of surprises” ang buhay, kung saan dahil masyadong busy ang ating isipan sa kung anu-anong mga bagay, ang mga surpresang ito na nakabalot sa iba’t ibang karanasan ng buhay ay hindi natin napapansin at nabubuksan.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Marisol, pinatunayan ng magkamukhang dalawang Marriage Line (1-M arrow a. at 2-M arrow b.), na kinumpirma rin ng zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang ex-partner mo, sigurado na ang magaganap — sa taon ding ito ng 2022, sa buwan ng Oktubre at pinakamatagal na sa Disyembre, ang dating live-in-partner mo ay muling babalik sa iyong piling at yayayain ka niyang magpakasal. Sa pamamagitan ng matrimonyo ng kasal, habambuhay na kayong magsasama at kailanma’y hindi na muling maghihiwalay.




Comments