ni Rey Joble @Sports News | August 25, 2024

Malamig man ang kanilang simula, nakuha naman ng San Miguel Beer ang init ng kanilang laro sa second half bago tuluyang idispatsa ang walang import na Blackwater, 128-108 , sa PBA Governors’ Cup nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Nanalasa para sa Beermen ang kanilang import na si Jordan Adams na tumipa ng 50 puntos at 11 rebounds kung saan madali niyang ipinagpag ang depensa ng Blackwater, na humahanap pa rin ng kapalit para sa sinibak na import na si NBA veteran Ricky Ledo.
Ito ang ikalawang sunod na panalo sa singdaming laro para sa Beermen.
Ginising ni coach Jorge Gallent ang kanyang mga bataan sa halftime kung saan lumamang ng 10 puntos sa first half ang Bossing, 63-53.
“We just had to remind them that we were not playing San Miguel basketball,” ang sabi ni Gallent. “We were selfish in the first half and we didn’t share the ball. But in the second half, I just told them to play our usual game and we did a better job defensively in the second half.”
Para naman kay Adams, mas madali ang kanyang paglalaro dahil napapaligiran siya ng magagaling na kakampi sa San Miguel.
“We have a great team and there were a lot of guys who can knock down shots. It makes my job a lot easier,” dagdag pa ni Adams.
Ang panalong ito ng Beermen ay magsisilbijng magandang preparasyon para sa kanilang susunod na laro kung saan haharapin nila ang Barangay Ginebra sa Martes sa Smart Araneta Coliseum.
Batid ni Gallent na hindi uubra ang istilo ng larong kanilang ipinakita kontra Blackwater.
“If we showed up with the kind of effort we played in the first half, Ginebra is going to blow us out,” dagdag pa ni Gallent.
Comments