Slay na Halloween costumes sa ‘Pinas, alamin!
- BULGAR
- 2h
- 2 min read
ni Janelle Belmonte (OJT) @Lifestyle | October 29, 2025

Bukod sa pagpunta sa mga sementeryo kapag Undas, tuwing sasapit ang Halloween season, ay nakagawian na ng ilang mga Pinoy ang umattend sa mga costume party. Kaya bago matapos ang Oktubre ay nagkukumahog na ang mga mommy na humanap ng mga pakak na costumes para sa kanilang mga cute na cute na babies.
Pero ang ganitong patalbugan ng mga costumes ay hindi na lamang pambata dahil puwedeng-puwede na rin kina ate at kuya na siguradong hanap to the max ng kanilang pasabog na susuotin tulad ng mga paborito nilang superhero.
Teka lang, paano nga ba nagsimula ang pagsusuot ng Halloween costumes?
Sinimulan ang ganitong uri ng pananamit noong 1,000 BCE sa isang ancient Celtic Festival na tinatawag nilang ‘Samhain’, isang selebrasyon para sa mga Celt sa Ireland, Scotland, at iba pang bahagi ng British Isles.
Tanda umano ito ng pagtatapos sa kanilang pag-aani at pagsisimula ng taglamig sa lugar. Pinaniniwalaan din nila ang panahon na ito kung saan manipis lamang ang pagitan sa mundo ng mga buhay at mundo ng mga patay. Kaya naman, para protektahan ang kanilang mga sarili mula sa mga kaluluwang gala ay nagsimula silang magsuot ng mga maskarang gawa sa balat ng iba’t ibang hayop para itaboy ang mga masasamang espiritu sa pamamagitan ng paggaya sa kanila para lituhin ang mga ito.
Ang tradisyon na ito ay binitbit na rin ng mga migranteng Scottish at Irish sa Amerika. Makalipas ang 5 siglo, tuluyan nang nakasanayan ang pagsusuot ng costumes para sa All Hallows Even o Halloween.
Sa Pilipinas, tinatawag itong ‘pangangaluluwa’, kasabay ng pagsusuot ng puting tela, pumupunta ang mga dumadalo rito sa mga bahay-bahay habang kumakanta kapalit ng dasal at matatamis na pagkain.
Gayunman, bihira na lamang ang gumagawa nito sa kasalukuyan dahil na rin sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya.
Kahit kaunti na lang ang nagsasagawa nito, pilit pa rin itong niyayakap at binubuhay ng Generation Z o Gen Z, para ipakita nila ang pagiging malikhain ng mga Pinoy dulot ng impluwensya ng western country.
Taliwas sa tradisyon ng western country na ginagaya ang mga kaluluwa ng patay, mas pinagtutuunang pansin ng mga Pinoy ang pagsusuot at pag-i-imitate sa mga mythical creatures tulad ng kapre, aswang, tiyanak, tiktik, manananggal, tikbalang, white lady at iba pang mga nilalang na tanyag sa bansa.
Very creative din ang paggamit nila ng mga heavy gothic make-ups, at paglalagay ng artificial blood para mas realistic at mas nakakatakot na effects.
Hindi na rin bago ang malikot at malawak na pag-iisip ng mga Pinoy sa pagbuo ng mga nakakagulat o nakakaaliw na costumes at ideas na tulad ng pag-i-spoof sa mga momshie na ‘marites’ at tsismosa sa kanto, mga sikat na celebrities at politicians, at marami pang iba.
Kaya naman, ang pagsusuot ng mga Halloween costume na ginagawa noon bilang proteksyon sa masamang espiritu ay unti-unting naging tradisyon sa kasalukuyan na kinagigiliwan hindi lamang sa ‘Pinas, maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.




