Sipag at tiyaga, ‘di na sapat para sumabay sa taas-presyo ng petrolyo
ni Ryan Sison - @Boses | October 18, 2022
Hindi pa tapos ang kalbaryo ng mga tsuper dahil sa kabila ng serye ng taas-presyo ng petrolyo, dagdag na hamon ang pagtaas din ng boundary.
Ang ilang tricycle driver, umaaray dahil mula sa P100, tumaas sa P200 ang boundary, bagay na malaking halaga para sa kanila dahil imbes na maiuwi ang kaunting halaga, kailangan pang dagdagan ang oras ng pagpasada para maging sapat ang kita.
Gayunman, paliwanag ng kanilang operator, mas marami nang pasahero ngayon, tulad ng mga estudyante kumpara nang nagsimula ang pandemya.
Kaya ang iba, suko na sa taas ng presyo ng gasolina at nagbabalak nang maghanap ng ibang pagkakakitaan. Ang problema, pahirapan ding maghanap ng ibang trabaho, kaya no choice kundi pumasada pa rin.
Sa hanay ng mga taxi driver, halos pareho ang kanilang daing kaya ang hiling ng mga ito, kaunting preno sa taas ng presyo ng petrolyo at boundary.
Anila, kahit kayod-kalabaw at halos tumira na sa ipinapasadang taxi, karampot lang ang naiuuwi sa pamilya.
Samantala, bukas, Oktubre 18, nakatakdang tumaas pa ang presyo ng petrolyo, kung saan tinatayang aabot sa P3 ang itataas kada litro.
Hindi maitatanggi na pahirap nang pahirap ang kumita ng pera at hindi na sapat ‘yung sipag lang.
Sa pagkakataong ito, naniniwala tayong kailangan nang umaksyon ng gobyerno dahil hindi na puwedeng magpikit-mata pa sa sitwasyon.
Tiwala tayong may kakayahan ang gobyerno na tumugon sa hiling ng mga tsuper, kaya plis lang, galaw-galaw tayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments