top of page

Single mom na feeling malas sa buhay, kailangan ng taong may strong number

  • BULGAR
  • Jun 7, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 7, 2022


Dear Maestro,


May maganda pa bang kapalarang naghihintay sa akin sa kabila ng mga kabiguang pinagdaanan ko? Hindi n’yo naitatanong, dalawang beses akong nakapag-abroad, pero walang nangyari dahil maliit lang ang suweldo ko at naloko pa ako ng agency.


Nang mag-asawa naman ako pagkabalik ko rito, naghiwalay din kami. Akala ko ay mabait siya at nang nagsasama na kami, nalaman ko na napakababaero pala niya. Matapos naming magka-anak, nakipaghiwalay ako at mag-isa kong binubuhay ang dalawa naming anak, habang ako ay namamasukan bilang katulong.


Maestro, sawa na ako sa pagkakatulong dahil ito rin ang trabaho ko sa abroad noon. Kung mag-a-apply ako ng ibang trabaho, may pag-asa bang makaahon kami sa kahirapan? Minsan ay naiisip kong magpatiwakal na lang, pero naaawa ako sa dalawa kong anak dahil walang mag-aalaga sa kanila.


Sana ay matulungan mo ako upang makaahon sa kahirapan ng buhay na nasadlakan ko. July 7, 1986 ang aking birthday.


Umaasa,

Anita ng Sabang, Tuy, Batangas


Dear Anita,


Weak number ang birth date mong 7, habang weak din ang destiny number mong 2. Naging 2 ang destiny number mo dahil ang July 7, 1986 ay kinokompyut nang ganito: 7+7+1986=2000/ 20+00=20/ 2+0=2. Ibig sabihin, kaya nagkaganyan ang buhay mo, kumbaga, sakbibi ng paghihirap at pagsubok, posibleng wala kasing strong number na dumadamay sa iyo sa kasalukuyan.


Hindi mo naman inilakip ang mga birth date ng iyong anak para nasuri natin kung sila ba ang suwerte mo, higit lalo kung sila ay nagtataglay ng strong number.


Gayunman, upang masolusyunan ang iyong problema at magbago ang iyong kapalaran, ang una mong dapat gawin ay magsuot ng strong color, gayundin, gumamit ng kulay na katugma ng birth date mong 7, destiny number mong 2 at zodiac sign mong Cancer — ito ay dark green.


Dalawang uri ang dark green, isang napakadilim na green at isang dark green na medyo maliwanag. Piliin mo ang medyo maliwanag, sapagkat sa pamamagitan ng pagsusuot ng nasabing kulay, unti-unting magbabago ang awra ng iyong personalidad at kasabay nito, unti-unti na ring magbabago at gaganda ang iyong kapalaran.


Bukod sa kulay na green, ipamalit mo ang dilaw upang magkaroon ka ng bagong sigla at pag-asa sa buhay.


Pangalawa, makipagkaibigan ka sa mga taong may strong number, tulad nilang isinilang sa mga petsang 1, 10, 19, 28, puwede rin silang isinilang sa mga petsang 8, 17 at 26, gayundin silang isinilang sa mga petsang 9, 18, at 27. Malaki ang maitutulong nila upang mabalasa at magbago ang iyong kapalaran. Kung wala kang mahanap na magiging kaibigan o kasangga na may ganyang birth date, puwede ring balikan mo ang dati mong mga kaibigan o kakilala at kamag-anak, kung sinuman ang may ganyang birth date sa kanila, palagi kang makipag-usap sa kanya. Basta makipagkuwentuhan ka lang nang sa gayun ay masagap mo ang pagiging strong ng kanilang numero na may malaking maitutulong upang muling gumanda at magbago ang iyong kapalaran.


Pangatlo, baguhin mo ang magulo at nababoy mong ladga. Huwag mo na kasing ibalik ang dulong letrang “a” sa direksyong kaliwa. Sa halip, isulat mo ang huling stroke ng letrang “a” nang pakanan, sa isang straight o tuwid na guhit. Sa ganyang paraan, makakalaya ka na sa nakaraan mong mga pangit na kapalaran.


Kapag nagawa mo ang nasabing mga suhestiyon, tiyak ang magaganap sa taong kasalukuyan at sa taong 2023 at 2024, ganap nang magbabago ang iyong kapalaran— makakatagpo ka na ng regular at magandang trabaho. Kasabay nito, magkakaroon ka ng bagong relasyon, na siyang magbibigay sa iyo ng dagdag pang suwerte at magandang kapalaran, lalo na kung ang ikalawang lalaking makakarelasyon mo ay nagtataglay din ng strong number na binanggit na sa itaas, na may zodiac sign na Scorpio, Cancer o Capricorn.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page