Single mom na feeling malas sa buhay, gusto nang mag-suicide
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 29, 2021
Dear Sister Isabel,
Bakit puro kalungkutan na lang ang buhay ko? Wala na yatang kaligayahang nakalaan sa akin dahil simula nang isinilang ako, puro kalungkutan na ang aking naranasan. Lahat na yata ng kasawian, kalungkutan at pagdurusa ay dinanas ko na. Nawalan ako ng asawa habang maliliit pa ang mga anak ko. Limang taon lang ang panganay ko, 4-anyos ang ikalawa at ang bunso ay isang taon lang. Ginampanan ko ang papel ng ama at ina kahit napakahirap.
Napakasakit sa kalooban na mawalay sa mga anak ko pero wala akong magagawa dahil ito ang kapalaran ko. Nagsumikap ako pero nabigo at napakaraming pagsubok na halos hindi ko na kaya. Naiisip ko na minsang magpakamatay para matapos na ang lahat ng dinaranas kong pagdurusa. Mabuti pa sa kabilang buhay, walang gutom at uhaw. Gayundin, payapa, panatag, walang heart ache o head ache, lahat ay masarap sa pakiramdam. Kailan ba ako liligaya?
Umibig akong muli pero mas malala ang nangyari dahil mas grabeng sakit ang idinulot nito sa puso ko. Bakit kaya ganito? Sana ay mapalubag ninyo ang kalooban ko. Hindi ko na talaga kaya.
Nagpapasalamat,
Dolores ng Pasay City
Sa iyo, Dolores,
Sobrang lungkot naman ng kuwento mo at parang heavy drama. Alam mo, marahil ay lumaki ka sa pamilya na hindi marunong tumawag sa Diyos. ‘Ika nga, prayer is the key. Dasal ang susi para mapagtagumpayan natin ang mga dalamhati sa mundo. Ang taong madasalin, hindi kailanman pababayaan ng Diyos. Buhos-buhos ang biyaya at mga pagpapala, at kung siya man ay may pagsubok na mararanasan, dagling tatanggalin ng Diyos ‘yan kapag siya’y nagdasal nang taimtim at walang halong alinlangan. Subukan mo ito ngayon, tumigil ka sandali sa ginagawa mo, pumikit ka, damhin mo ang presensiya ng Diyos Ama sa langit. Kausapin mo Siya at humingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa mo rito sa lupa. Makikita mo na gagaan ang pakiramdam mo at sa mga susunod na araw, isa-isang malulutas ang problema mo sa buhay kasama na ang mga dinaranas mong kapighatian. Maliliwanagan din ang isip mo na ang buhay sa mundo ay sadyang ganyan. Hindi puwedeng walang pagsubok na mararanasan at ‘pag mas mabigat ang pagsubok, mas maganda ang magiging kapalit, basta’t malagpasan, labis-labis ang kaligayahan. Kaysa naman mababaw lang ang problema, mababaw din ang kapalit na kaligayahan at walang kabuhay-buhay. Pero kapag mas mabigat ang pagsubok, mas maganda ang gantimpalang nakalaan at mas masarap damhin sa kalooban. Kaya ‘wag na ‘wag mong tangkain na wakasan ang iyong buhay dahil hindi ‘yan ang solusyon.
Physical body mo lang ang nawala, pero buhay na buhay pa rin ang isip o kaluluwa mo na nakatunghay sa mundo. Malayang nagkakatuwaan ang mga tao ‘pag may kasayahan. Malayang nagvi-videoke at nagkakantahan, kaya paano na kung mag-suicide ka? Hindi mo na mae-enjoy ang ligaya pagkatapos ng dusa. Muli, hindi ‘yan ang solusyon. Gawin mong sentro ng buhay mo ang Diyos dahil Siya ang makapangyarihan sa lahat at Siya ang lumikha sa atin. Siya rin ang lulutas ng mga pasanin natin sa mundong ating ginagalawan. Manalig, magtiwala at sumampalataya ka. Mabuhay ka rin nang naaayon sa magandang halimbawang itinuturo ng Diyos sa Banal na Kasulatan. Siguradong hindi ka maliligaw at magdurusa pa kailanman.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments