Single mom na ayaw pag-dyowain ng parents, makakatuluyan ang secret bf
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 23, 2022
Dear Maestro,
Ako ay isang Aquarius at aaminin ko na sadyang magulo ang aking buhay, lalo na sa love life. Naisipan kong sumulat sa inyo upang malaman kung sa edad ko bang 36 ay maaayos pa ang buhay ko? Halos apat na taon na akong hiwalay sa asawa at mayroon akong boyfriend pero lihim lang. Ayaw na kasi ng mga magulang ko na makipagrelasyon ulit ako dahil lalo ko lang daw sinisira ang aking buhay. Ang tatlo kong anak ay nasa pangangalaga ng mga magulang ko dahil du’n kami nakatira.
Maestro, may pag-asa pa bang gumanda ang buhay ko, ‘yun bang magkaroon ng maayos na pag-aasawa at masayang pamilya? May chance pa ba akong lumigaya kung sakaling ang kasalukuyan kong boyfriend ang aking mapapangasawa? Binata siya at mahal na mahal niya raw ako at may trabaho rin naman siya, ngunit hindi kalakihan ang suweldo. Siya na ba ang lalaking itinakda na makakasama ko habambuhay?
February 10, 1986 ang birthday ko at October 7, 1985 ang boyfriend ko.
Umaasa,
Ms. Aquarius ng Addition Hills, Mandaluyong City
Dear Ms. Aquarius,
Kung purong Astro-Numerlogy na pag-aanalisa ang pagbabasehan, posibleng ang nasabing lalaki na may birthday na October 7, 1985 ang iyong makakasama habambuhay, sapagkat ang strong number mong 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) ay suweto sa weak number niyang 7. Samantala, ganundin ang nais sabihin ng zodiac sign mong Aquarius na tugma sa zodiac sign niyang Libra. Ito ay dahil ang Libra at Aquarius ay may iisang elementong tinataglay— ang elementong air o hangin.
Subalit ang lahat ng tinuran sa itaas ay dapat pa ring kumpirmahin sa pamamagitan ng Palmistry, kumbaga, dapat ding masuri ang kaliwa at kanan mong palad, partikular ang Marriage Line at Heart Line, kaya mas maganda kung magpapadala ka rin ng attachment o photocopy ng kaliwa at kanan mong palad.
Pansamantala, kapag napangasawa mo ang iyong boyfriend o nalaman ng mga magulang mo na may karelasyon ka, mauulit ang dating karanasan ng mga Aquarius na tulad mo, kung saan kadalasan ay tutol ang mga magulang ng Aquarius sa lalaking kanilang napupusuan.
Kaya kung mahal na mahal mo ang nasabing lalaki, darating ang panahong tututulan siya ng mga magulang mo, kaya wala kang dapat gawin kundi ipaglaban ang inyong pag-iibigan.
Ang problema, paano mo magagawa ‘yun kung patuloy kang umaasa ng mga pangangailangan n’yong mag-iina sa iyong mga magulang?
Kaya ang the best na advice, kung wala kang sariling trabaho ngayon, hindi mo pa dapat patusin ang kasalukuyan mong boyfriend dahil kung muli kang palalayasin ng mga magulang mo sa kanilang pamamahay, paano kayo mabubuhay?
Kaya dapat maghanap ka muna ng stable job, para pareho kayong may trabaho ng boyfriend mo, at kapag financially stable na kayo, tulad ng nasabi na, dahil tugma naman kayo sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, ‘yun na ang panahon upang sumubok ka muling bumuo ng simple at masayang pamilya, na nakatakdang mangyayari sa taong 2024 at sa edad mong 38 pataas.




Comments