top of page
Search
  • BULGAR

Simpleng buhay, ‘di bagay sa fire pig dahil may pagka-ambisyosa

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | November 7, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, ipagpatuloy natin ang diskusyon hinggil sa magiging kapalaran ng animal sign na Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa susunod na taon o Year of the Metal Ox.

Alalahaning ang Pig o Baboy ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Pig o Bakal na Baboy - silang mga isinilang noong 1971

  • Water Pig o Tubig na Baboy - silang mga isinilang noong 1982

  • Wood Pig o Kahoy na Baboy - silang mga isinilang noong 1935 at 1995

  • Fire Pig o Apoy na Baboy - silang mga isinilang noong 1947 at 2007

  • Earth Pig o Lupa na Baboy - silang mga isinilang noong 1959 at 2019

Sa nakaraang isyu, tinalakay natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Metal Pig, Water Pig at Wood Pig, kaya sa pagkakataong ito, pag-usapan naman natin ang magiging kapalaran ng Fire Pig o Apoy na Baboy ngayong 2020 hanggang 2021.


Bukod sa malakas ang loob, sobrang ambisyosa rin ng Apoy na Baboy. Kaya naman sa tunay na hindi uubra sa kanya ang simpleng buhay lamang, bagkus, nais niyang makamit ang matataas na lebel ng pagkilala at karangalan sa lipunan na kanyang ginagalawan na kadalasan, dahil likas siyang mabuti at mabait sa kapwa, kusa naman itong ipinagkakaloob sa kanya ng langit.


Dahil sa ugaling ito ng Apoy na Baboy na may pagka-ambisyosa, pero mabait at may mabuting asal, ang nasa itaas o langit ang gumagawa ng paraan upang ang mataas na karangalan at pagkilala ng lipunan ay makamit ng Apoy na Baboy, kaya nagkakaroon talaga siya ng mga kaibigan at kakilala na sikat at mayayaman. Ang mga kaibigang ito ang kadalasang tumutulong at nagsasama o umiimpluwensiya sa Apoy na Baboy, upang lalo niya pang itaas ang kanyang mga pangarap sa buhay. Kapag naman tinutukan niya at hindi siya bumitaw, ang lahat ng ito ay isa-isa niyang matutupad sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, humigit-kumulang sa 2040 sa edad niyang 33 pataas. Ibig sabihin, sa panahong ito, isa-isa nang magkakabunga at matutupad ang lahat ng pangarap at ambisyon ng Fire Pig nang walang kahirap-hirap.


Sa kasalukuyan, sinasabing habang unti-unting natatapos ang 2020, kasabay ng walang makapipigil sa nakatakda, paganda na rin nang paganda ang kapalaran niya, hindi lamang sa materyal na bagay, career at propesyon kundi sa halos lahat ng aspeto ng kanyang buhay, lalo na sa pakikipagrelasyon, pag-ibig at aspetong pandamdamin.

Habang kasabay din nito, kusang darami ang mga oportunidad ng pagkakakitaan, hindi lamang sa pagtatapos ng 2020, bagkus, darating at darating ang maraming suwerte at magagandang kapalaran, hanggang sa pagbungad ng 2021.


Ibig sabihin, hindi lang paganda nang paganda ang magiging buhay ng Fire Pig sa pagpasok ng 2021, bagkus, lalo pa itong gaganda at mas maraming suwerte, surpresang buwenas at magagandang kapalaran siyang matatanggap sa nasabing panahon.

At dahil likas na may sariling desisyon ang Apoy na Baboy at hindi rin sila basta nagpapaimpluwensiya kung kani-kanino, ito ang magiging susi upang madoble pa ang kabuhayan ng Apoy na Baboy sa 2021.


Ngunit may dapat siyang gawin upang mapanatili ang kanyang magandang kapalaran, ito ay dapat niya lang ingatan at labanan ang sandali na kapag nararamdaman niyang dumarami na ang kanyang pera at ipon, hindi niya maiwasang hindi gumastos, na nagiging dahilan upang hindi niya namamalayan at nahahalata na simot at ubos na ang naipon niyang pera.


Kaya kung magiging matipid ang Apoy na Baboy at matututunan ang tamang paghawak ng pera, malaki ang posibilidad na siya ay yumaman at ito ay magaganap sa edad niyang 45 pataas.


Sa pag-ibig, damdamin at pakikipagrelasyon, likas na mapusok ang Apoy na Baboy at nahihirapan siyang itago ang kanyang mainit at nag-aapoy na damdamin na kadalasan, ang mapusok na pag-ibig na ito ay humahantong sa kasawian. Kaya kung matututunan niyang kontrolin ang kanyang emosyon at ‘wag na ‘wag bibigay bigla, mas magiging makabuluhan at malinamnam ang naghihintay sa kanyang pag-ibig at pakikipagrelasyon na hindi pa naman mangyayari sa panahong ito ng kanyang buhay, bagkus, ang masarap at very satisfied na pag-ibig at pakikiparelasyong ito ay nakatakda niyang mararanasan sa 2028.

Itutuloy

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page