Simbahan sa Laguna, nilooban… P50K donasyon, tinangay
- BULGAR
- Nov 6, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | November 6, 2022

Pinasok ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang simbahan sa Pagsanjan, Laguna, habang natangay ang P50,000 halaga ng donasyon.
Sa report na nakarating sa Camp Crame mula sa Philippine National Police Police Regional Office IV-A, alas-6:30 ng umaga nitong Sabado nang matuklasan ng mga tauhan ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Guadalupe sa Barangay Poblacion I ang insidente, kung saan sinira ng mga suspek ang tabernakulo at kinuha umano ang Sacred Host.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Pagsanjan police, inakyat ng mga salarin ang bakod sa likod ng simbahan at dumaan ang mga ito sa bintana.
Nang makapasok, winasak ng mga suspek ang pinto at mga grills ng Parochial Office, naghalungkat ng mga gamit, saka tinangay ang lamang pera ng tatlong donation boxes na nasa tinatayang P50,000 ang halaga at isang cellphone.
Gayunman, natagpuan naman nila ang nawawalang mga Sagradong Ostiya sa likod ng altar.
Sa ngayon, tinitingnan na ng mga awtoridad ang mga kuha mula sa CCTV sa loob ng simbahan para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek habang patuloy din ang kanilang imbestigasyon.
Ipinagpaliban naman muna ng simbahan ang kanilang mga Misa ngayong Linggo habang magbibigay sila ng update hinggil sa insidente.
Comments