Sim card registration, tablado kay P-Digong, trolls at fake news dapat mas bantay-sarado
@Editorial | April 18, 2022
Hindi nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang gawing batas ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Bill.
Kasunod nito ang reaksyon na mistula umanong malaking pabor sa troll farm operators ang naging pag-veto.
Partikukar na nanghinayang ang mga mambabatas na anila'y mainam sanang armas ang naturang batas para labanan ang mga troll sa internet at mga nagpapakalat ng fake news sa social media.
Napapanahon sana ang SIM registration para masawata ang mga political trolls ngayong nalalapit ang halalan.
Bagama't nauunawaan naman ng iba ang naging pag-veto ng Pangulo sa panukala dahil ang orihinal na plano ay SIM card registration lamang ito at bukod na batas na para sa social media issue. Mahirap talaga 'pag may mga habol na pagbabago, posibleng maibasura lalo na kung kulang sa guidelines o nagiging kumplikado ang panukala.
May ibang pagkakataon pa naman para muling maisulong ito at maging mas malinaw na. Ayaw din naman nating magkaroon ng butas ang batas sakaling ipatutupad na.
Samantala, kung nagpipiyesta na ang mga trolls at nagpapakalat ng fake news, mas kailangang doblehin ang pagbabantay sa kanila.
Turuan natin ang publiko partikular ang mga netizens sa pagtukoy ng fake news at ipaunawa na dapat maging maingat at responsable lalo na sa social media.
Masyado nang lumalaganap ang fake news, hindi na nakakatuwa at posible pang maging banta partikular sa nalalapit na halalan. Dapat magkaisa tayo sa paglaban at pagpapatigil sa pagkalat ng maling impormasyon. Habang trabaho naman ng gobyerno na sila'y hulihin at patawan ng mabigat na parusa.



Comments