SIM card registration batas na, goodbye scammers!
- BULGAR
- Oct 11, 2022
- 1 min read
@Editorial | October 11, 2022
Sa wakas, ganap nang batas ang pagpaparehistro ng SIM card, matapos itong lagdaan ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., kahapon.
Sa ilalim ng Sim Card Registration Act, obligado ang publiko na may cellphone at gumagamit ng sim cards na magparehistro.
Sinumang hindi magrerehistro sa itinakdang panahon ay awtomatikong made-deactivate ang SIM card.
Sa pamamagitan nito, umaasa tayo na matitigil na ang mga panloloko o spam at scam messages. Matapos na sana ang maliligayang araw ng mga scammers.
Batid naman natin kung gaano kalawak ang pamemerhuwisyo ng mga scammers at habang tumatagal ay patindi nang patindi ang panloloko.
Sa pamamagitan ng SIM card registration, sana ay mapigilan o mabawasan na ang krimen.
Kaugnay nito, huwag din naman sanang malagay sa alanganin ang publiko. Mapanatili sana ang confidential na pagkakakilanlan ng nagmaang-ari ng SIM card. Maliban na lamang kung may utos ang korte na makuha at isiwalat ang pangalan ng nagmamay-ari nito o may hiling ang mga awtoridad na ito'y mabunyag dahil sa mga insidenteng ginamit ang SIM card sa ilegal o krimen.
Ito ang kauna-unahang panukala na naisabatas ng administrasyong Marcos, na masasabing napapanahon na talaga dahil sa mga nangyayaring ilegal na gawain.
Kaya irehistro na ang SIM card para tuluyang masugpo ang talamak na panloloko.



Comments