Silahis na mister, gustong umamin sa misis
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | February 14, 2022
Dear Sister Isabel,
May asawa ako at dalawang anak. Bagama’t maligaya kaming nagsasama ng asawa ko, wala siyang alam na isa akong silahis. Ibig sabihin, puwede akong pusong babae at pusong lalaki.
Nailihim ko ito sa kanya at hindi niya nahahalata dahil marunong akong magdala.
Pero sa nakaraang mga araw, mas nangingibabaw ang pusong babae ko dahil mas masaya ako ‘pag kasama ko ang aking dyowa na kapwa ko lalaki. Hindi alam ng misis ko ang aking sikreto. Gusto ko nang ipagtapat ito sa kanya para ibigay na niya ang kalayaan ko dahil hindi na ako maligaya sa piling niya, lalo na ‘pag magkatabi kami sa kama. Mas masaya talaga ako sa boyfriend ko. Balak kong iwan na ang asawa ko at makipag-live-in sa boyfriend ko, tutal malalaki na ang mga anak ko, kaya hindi na siya mahihirapan. May trabaho na rin ang mga anak namin at puwede na silang mamuhay nang maayos sa piling ng kanilang ina.
Ano ang dapat kong gawin? Nawa’y mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo tungkol sa problema ko.
Nagpapasalamat,
Resty ng Valenzuela
Sa iyo, Resty,
Pag-isipan mo muna nang pitong beses ang balak mong pakikipag-live-in sa boyfriend mo na kapwa mo lalaki at tuluyan nang iwan ang asawa mo. Ang pinakamaganda niyan ay kausapin mo muna nang masinsinan ang misis mo at ipagtapat mo ang katotohanan.
Kung sa pagtatapat mo ay tanggap pa rin niya ang pagkatao mo, huwag mo siyang iwan dahil dalawa naman ang pagkatao mo. Huwag mong tuluyang wasakin ang tunay mong pamilya, na ang sabi mo ay maligaya naman kayong namumuhay ng asawa mo at kamakailan lang nang naisip mo na mas masaya ka sa boyfriend mo. Alalahanin mong labis na masasaktan ang asawa at mga anak mo kung itutuloy mo ang iyong plano.
Sa kabilang dako, kung hindi matanggap ng asawa mo ang mga pangyayari at masuklam siya sa iyo at tuluyang magalit, saka mo siya hiwalayan. Nand’yan na ‘yan, kung tuluyan ka na niyang pandirihan, sa palagay ko ay kusa rin siyang hihiwalay sa iyo at unti-unti siyang makaka-move on, gayundin ang inyong mga anak.
Sadyang ganyan ang buhay, may mga problemang mahirap pagdesisyunan, pero sa bandang huli ay masosolusyunan din. Gayunman, huwag mong talikuran ang obligasyon mo sa iyong pamilya.
Siguraduhin mong nand’yan ka pa rin para suportahan sila sa kanilang pangangailangan bilang ama nila. Maasahan ka pa rin kung may problemang darating kahit ikaw ay hindi na nila kasama.
Lakip nito ang aking dalangin na sana’y maunawaan ng bawat isa sa inyo ang mga pangyayaring ito na dumating sa inyong buhay. Maging mahinahon nawa kayong lahat at umiral ang lawak ng inyong pang-unawa sa maselang problemang ito na inilahad mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments