Senyales ng suwerte sa love life at negosyo
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 21, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rhoderick ng Tarlac.
Dear Maestra,
Ngayong unti-unti nang bumubuti ang sitwasyon natin sa kabila ng nararanasang COVID-19 pandemic, wala pa ring magandang pagkakakitaan dito sa Pilipinas, kaya nagbabalak akong mag-abroad para kumita ng mas malaki.
Gusto kong malaman ang kahulugan ng aking panaginip na napaaway ako sa daan dahil biglang nagalit sa akin ‘yung lalaki at inaway ako. Umiwas ako at taimtim na nagdasal sa Diyos Ama na iligtas ako sa nang-away sa akin.
Bigla naman akong lumutang, pumaimbulog ang aking katawan at lumutang sa kalawakan, tapos may natanaw akong dagat at bumagsak ako ru’n at nagpalutang-lutang naman ako sa tubig.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Rhoderick
Sa iyo, Rhoderick,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na napaaway ka sa daan ay tagumpay sa negosyo at pag-ibig. Susuwertehin ka sa pag-ibig at ang binabalak mong negosyo ay magtatagumpay din.
Samantala, ‘yun namang nakalutang ka sa hangin, ito ay nagpapahiwatig na kulang ka sa tamang pagdedesisyon. Malabo ang nagiging pasya mo sa mga binabalak mong gawin.
Hindi ka makapagpasya nang maayos kung ano talaga ang dapat mong gawin.
Gayunman, ang sabi mo ay bumagsak ka sa dagat at lumutang sa tubig, ito ay nagpapahiwatig na pag-isipan mo nang pitong beses kung itutuloy mo o hindi ang balak mong pangingibang-bansa. ‘Ika nga, huwag sugod nang sugod. Hindi ka dapat magmadali sa mga plano mo upang hindi makaranas ng kabiguan. Alalahanin mo ang kasabihang, “Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim.”
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments