Senyales ng maginhawa at payapang buhay
- BULGAR
- Apr 10, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 10, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gerry ng Novaliches.
Dear Maestra,
Tulad ng marami n’yong tagasubaybay, nais ko ring magpaanalisa ng aking panaginip. Napanaginipan ko na minalas ako sa buhay, kung saan nagkandamalas-malas ang mga transaksiyon ko, at pati ang mga balak kong gawin ay puro kabiguan ang inaabot ko dahil maraming nagiging hadlang.
Sobrang lungkot ko at halos mawalan na ako ng pag-asa hanggang naisipan kong idulog sa Diyos ang nangyayaring kamalasan sa buhay ko. Pumunta ako sa isang Monasterio na malapit sa amin at taimtim akong nagdasal, nagsisi sa aking mga kasalanan at humingi ng gabay at patnubay sa Diyos.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Gerry
Sa iyo, Gerry,
Huwag kang malungkot, sa halip ay magsaya ka dahil kabaligtaran ang ibig sabihin ng panaginip mo na minalas ka nang todo. Ito ay nangangahulugan ng pagbabago ng buhay mo mula sa mahirap tungo sa pagiging mayaman. Giginhawa ka na sa buhay, at lahat ng gugustuhin mong mapasaiyo ay makakamit mo.
Samantala, ang Monasterio naman ay nagpapahiwatig ng kapayapaan ng isipan at kapanatagan ng kalooban. Mawawala na ang mga worries mo, magiging payapa, panatag at sagana na ang iyong pamumuhay. Ang pagdarasal naman ay nangangahulugan ng magandang kalusugan, kaligayahan at pusong mapagmahal.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments