Senyales na malulutas ang problema sa pera at maginhawang pamumuhay
- BULGAR
- Mar 18, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 18, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lourdes ng Taguig.
Dear Maestra,
Aliw na aliw ako sa pagbabasa ng column n’yo dahil ang sarap basahin ng mga kahulugan ng panaginip na ipinadadala sa inyo. Pangalawang beses ko na itong pagsangguni, nasiyahan kasi ako sa pag-analisa n’yo sa panaginip ko noon, kaya gusto ko ulit magpaanalisa ng aking panaginip.
Napanaginipan ko na nakatanggap ako ng sulat mula sa pinagkakautangan ko. Binigyan niya ako ng deadline para bayaran ang lahat ng pagkakautang ko sa kanya at sa inis ko, pinagpupunit ko ang sulat. Iyak ako nang iyak dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lourdes
Sa iyo, Lourdes,
Kabaligtaran ang ibig ipahiwatig ng panaginip na pinunit mo ang sulat na iyong natanggap. Ito ay nangangahulugan na matatapos na ang mga ipinag-aalala mo sa buhay. Magkakaroon na ng kalutasan ang iyong mga problema, lalo na sa pananalapi.
Samantala, ang ibig sabihin naman ng umiyak ka nang umiyak dahil hindi mo malaman kung ano ang gagawin, nagpapahiwatig ito na may naghihintay na kaligayahan na malapit mo nang maranasan sa iyong buhay. Matatapos na ang lahat ng mga kapighatian mo sa buhay, kumbaga, malulutas na ang lahat ng mga problema mo.
Matutuwa ang mga kaibigan mo at magkakaroon kayo ng selebrasyon sa bahay n’yo.
Iimbitahan mo sila dahil sa magandang kapalarang nakamit mo nang hindi inaasahan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments