Senyales na magiging mayaman
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 10, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tomas ng Eastern Samar.
Dear Maestra,
Gusto ko ring magpaanalisa sa inyo ng aking panaginip.
Maaga akong nagising, tapos uminom ako ng kapeng mainit, kumuha ako ng sliced bread at nilagyan ko ito ng butter. Pagkatapos kong kumain ng almusal, naghanap ako ng damit na pambukid at balak kong bisitahin ang bukid namin. Tapos wala akong makitang maayos na damit kaya pinagtiyagaan kong isuot ‘yung lumang damit na may punit at mukhang basahan. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Tomas
Sa iyo, Tomas,
Ang ibig sabihin ng uminom ka ng kapeng mainit ay liligaya at magkakaroon ka na ng kapanatagan ng isipan sa darating na mga araw. Ang butter ay nangangahulugan ng kaligayahan sa pag-ibig at pagwawagi sa gulo na kinasangkutan mo.
Ang sabi mo ay ipinalaman mo ang butter sa sliced bread, ito naman ay nagpapahiwatig na ang iyong mga anak ay magdudulot sa iyo ng labis na kaligayahan.
Samantala, ang lumang damit, may punit at parang basahan ay nagpapahiwatig na balang-araw ay magiging mayaman ka. Hindi ka na maghihirap at mapabibilang ka sa isa sa mga pinakamayaman sa inyong lugar.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments