Senyales na daranas ng marami pang paghihirap
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 15, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Bryan ng Pangasinan.
Dear Maestra,
Isa ako sa marami n’yong tagasubaybay. Nais kong ipaanalisa sa inyo ang panaginip ko.
Napanaginipan ko na sumali ako sa karera ng bisikleta. Marami-rami rin kaming mga kalahok na gustong manalo. Agad akong sumakay sa bisikleta ko kahit hindi pa nag-uumpisa ang karera.
Sa umpisa ay magaan kong naipepedal ang bisikleta ko, ngunit kalaunan ay hirap na hirap na ako. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Bryan
Sa iyo, Bryan,
Ang panaginip mo na sa umpisa ay madali mong napedal ng bisikleta mo, ngunit kalaunan ay nahirapan ka, ito ay nagpapahiwatig na marami ka pang paghihirap na pagdaraanan bago magtagumpay sa buhay. Ito rin ay babala na may magtatangkang sirain ang reputasyon mo at ipahiya ka sa publiko.
Samantala, ang marami kayong kasali sa karera ay nangangahulugan na dapat kang mag-ingat sa pagpapasya. Huwag kang makipagsapalaran sa anumang papasukang negosyo, gaanuman kaganda sa paningin mo ang kalalabasan nito.
Alalahanin mo, hindi ka pa nakakasigurado kung talagang magtatagumpay ka o hindi.
Talasan mo ang iyong isipan at huwag kang magpadalos-dalos. Ugaliin mo ang ibayong pag-iingat sa anumang pakikipagsapalaran sa buhay upang hindi ka magsisi sa huli.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments