Senyales na daraan sa maraming pagsubok
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 30, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Liza.
Dear Maestra,
May hawak akong baby at pinatingnan ko sa pedia namin. Sabi niya, maraming sakit ‘yung bata at may cancer pa, tapos namatay din ‘yung bata ru’n. Tapos dumating ‘yung kaklase ko nu’ng high school na dalaga pa at marami siyang batang kasama, tinanong ko kung sino ang mga ‘yun at sabi niya, mga inaanak niya na galing ng Pampanga.
May isang batang lalaki na nagtanong sa akin kung ano’ng ginagawa ko ru’n, kaya itinuro ko ‘yung baby na nasa maliit na kama at sinabi kong namatay kasi ‘yung bata. Pagturo at pagtingin namin, gumalaw ‘yung baby at umiyak, nilapitan ko at binuhat para patahanin pero ayaw niyang tumigil. Pagtingin ko sa mga mata niya, puti lang at wala ‘yung itim sa gitna. Iniindayog ko siya para tumigil pero ganu’n pa rin ang mga mata niya, tapos parang kinurot o pinisil niya ‘yung kaliwang braso ko. Hanggang du’n na lang dahil ginising ako ng asawa ko kasi umuungol daw ako.
Naghihintay,
Liza
Sa iyo, Liza,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay marami pang pagsubok ang darating sa buhay mo. Marami pang pagtitiis ang haharapin mo bago makamit ang gusto mong mangyari at halos pareho kayo ng kaklase mo noong high school dahil dumaraan din siya sa matinding pagsubok sa buhay.
Sa totoo lang, gusto niyang lumapit sa iyo para humingi ng tulong dahil kasalukuyan siyang naghihirap at kapos na kapos ang pamumuhay niya ngayon.
Gayunman, may iaalok siya sa iyong bagong negosyo. Iniisip niya na puntahan ka para manghiram ng puhunan o kaya naman ay hihimukin ka niya na ikaw mismo ang mamuhunan sa negosyong iniisip niya. Mag-isip-isip ka munang mabuti dahil mahirap nang mabiktima ng scam o budol-budol. Huwag kang basta mamuhunan sa negosyo kung hindi mo lubusang kakilala ang mga makaka-deal mo. Hanggang dito na lang, hangad kong makaahon ka na sa pagsubok na dinaranas mo sa buhay. Kaunting tiis pa dahil makakaraos ka rin sa mga problema.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments