Sen. Robin at Sen. ‘Bato’, lubayan ang batas sa decriminalization sa mga adik
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 27, 2022
OCTOBER BUDGET NG ‘PINAS, KINAPOS NG P9.11-B—Inanunsyo ng Bureau of Treasury (BOT) na kapos ng P9.1 bilyon ang budget ng Pilipinas noong October 2022.
Kung ganun, inuunggoy lang pala ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs ang publiko sa ibinida nila noong September 2022 na kesyo sumobra ang kanilang koleksyon sa buwis sa kanilang target na tax collection kasi kung totoong sobra, hindi sana isinapubliko ng BOT na kapos sa budget ang bansa.
◘◘◘
SAAN NAPUNTA ANG SOBRANG TAX COLLECTION NG BIR AT CUSTOMS?—Sa isang banda, puwede rin namang totoo ang ibinida ng BIR at Customs na sumobra ang kanilang tax collection.
At maaari, ang sobra-sobrang tax collection ay napunta na bilang confidential funds at pork barrel ng mga trapo, kaya kinapos ng P9.1-B sa budget ang gobyerno.
◘◘◘
PAGLULUNSAD NG MARCOS ADMIN NG ANTI-DRUG PROGRAM, PATUNAY NA BIGO ANG DUTERTE ADMIN SA KAMPANYA LABAN SA ILEGAL NA DROGA—Libu-libong katao mula sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila sa inilunsad na anti-drug program ng Marcos administration na may titulong “Buhay Ingatan Droga Iwasan o BIDA”, na idinaos sa Quezon City Memorial Circle.
Patunay ‘yan na bigo ang kampanya laban sa droga ng nakaraang administrasyong Duterte kasi kung nagtagumpay ito ay hindi maglulunsad ang administrasyong Marcos ng anti-drug program.
◘◘◘
DAPAT PAGSABIHAN NG MGA KAPWA NILA SENADOR SINA SEN. DELA ROSA AT SEN. PADILLA NA TANTANAN NA PAGSUSULONG NG DECRIMINALIZATION SA MGA ADIK—Dapat pagsabihan ng mga kapwa nila senador sina Sen. Ronald dela Rosa at Sen. Robin Padilla huwag ituloy ang nais nilang i-decriminalize ang illegal drug user.
Kapag hindi na puwedeng sampahan ng kasong kriminal ang mga adik, tiyak na madaragdagan ang mga sugapa sa droga—at ang epekto niyan ay pagtaas ng kaso ng nakawan, pagpatay at iba pang karumal-dumal na krimen.





Comments