Seawater desalination project, tulong para sa suplay ng tubig sa 'Pinas
- BULGAR

- Sep 19, 2023
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | September 19, 2023

Tinukoy ng dalawang senador na isang malaking hakbang sa seguridad ng suplay ng tubig sa Pilipinas ang seawater desalination project sa Cordova, Mactan.
Sa kanyang talumpati sa ceremonial equipment installation ng seawater desalination plant ng Vivant group sa Cebu, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na sa pagsiguro sa suplay ng malinis na tubig ay magiging instrumental ang planta sa pag-unlad ng Mactan, habang napupunan nito ang hindi sapat na suplay sa maiinom na tubig.
Umaasa rin si Sen. Risa Hontiveros, na sa pagbubukas ng seawater desalination plant ay mababawasan ang mga banta sa kalusugan ng mga Cebuano.
Ito ang kauna-unahang utility-scale seawater desalination project sa bansa, na naglalayong magbukas sa Disyembre.
Ang plantang ito, na may kakayahang gumawa ng 20 million liters ng malinis at maiinom na tubig kada araw sa kanyang first phase, ay pangangasiwaan ng Isla Mactan-Cordova Corporation (IMCC), isang subsidiary ng Vivant Hydrocore Holdings Inc. na may hawak na 25-taong kontrata para magsuplay ng desalinated na tubig sa Metropolitan Cebu
Water District (MCWD).
Ayon pa kay IMCC President at CEO Jess Anthony Garcia, ang generation capacity ng planta ay kaya pang tumaas sa 50 milyong litro kada araw.
Inilarawan naman ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ang proyekto na isang himala na sumasagot sa isang mahalagang pangangailangan.
Ang pagpapatayo ng planta sa project site na may pahintulot ng Pamahalaang Bayan ng Cordova ay pinangungunahan ng Watermatic Philippines (WMP), isang joint venture company na binubuo ng Vivant Corporation at WaterMatic International ng Israel. Ang Israel ay isa sa mga nangungunang bansa sa produksyon, conservation, at teknolohiya ukol sa tubig.








Comments