SEAG Men's Football Team , lalarga na vs. Indonesia
- BULGAR
- Apr 29, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 29, 2023

Mga laro ngayong Sabado – Morodok Techo
5:00 PM Indonesia vs. Pilipinas
8:00 PM Cambodia vs. Timor Leste
Bubuksan ng Men’s Football Team ang kampanya ng Team Philippines sa 32nd Southeast Asian Games sa pagharap sa Indonesia sa Morodok Techo National Stadium simula 5 p.m. Binubuo ang koponan ng karamihan ay mga kasapi ng Azkals Development Team sa Philippines Football League (PFL).
Kung kahandaan ang pag-uusapan, magkakasama na ang ADT buhat pa noong simula ng 2022-2023 PFL noong Agosto. Tatayong head coach si Rob Gier na dating kapitan ng Azkals.
Nagpasya ang host Cambodia na ibaba ang takdang edad sa 22 mula sa kinagawiang 23 anyos. Hindi na rin papayagan ang mga koponan na kumuha ng hanggang 3 players na lampas na ang edad.
Ilan sa mga matunog na pangalan sa listahan ay sina Oliver Bias, Dennis Chung, Yrick Gallantes, Pocholo Bugas, Andres Aldeguer at goalkeeper Quincy Kammeraad. Marami sa kanilang kakampi ay produkto ng U-16 at U-19 Azkals.
Pagkatapos ng Indonesia ay magsusubukan ang Pilipinas sa Cambodia (Mayo 2), Timor Leste (Mayo 4) at Myanmar (Mayo 10). Nasa kabilang grupo ang defending champion Vietnam, Thailand, Malaysia, Laos at Singapore.
Sa Mayo 3 ang unang laro ng Women’s Football Team kontra sa Myanmar sa RCAF Stadium. Mabigat na paborito ang Filipinas na higitan ang tanso noong 31st SEAG at makuha ang pinakaunang ginto sa kasaysayan matapos mag-reyna sa 2022 AFF Women’s Championship noong Hulyo.
Ang iba pa nilang kalaro sa group stage ay ang Malaysia (Mayo 6) at defending champion Vietnam (Mayo 9). Bahagi pa rin ito ng paghahanda ang Filipinas para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa New Zealand sa Hulyo.








Comments