Santa Rosa at Cam Sur umatake sa NBL-Pilipinas
- BULGAR
- Feb 4, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 4, 2024

Lumikha ng himala ang Eridanus Santa Rosa upang maagaw ang panalo sa Muntinlupa Chiefs, 99-96, sa tampok na laro sa 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup Biyernes ng gabi sa Laguna Sports Complex sa Santa Cruz.
Nanaig din ang rumaragasang Cam Sur Express sa Circus Music Festival Makati, 109-76, at bigyan ng libreng tiket ang Chiefs sa semifinals.
Hawak ng Muntinlupa ang 94-87 lamang na may 1:09 nalalabi subalit nakahabol ang Eridanus sa mga buslo nina Sean Sandoval, King Fadriquela at Michael Bisbe para itabla ang laro, 94-94. Nakahinga saglit ang Chiefs sa dalawang free throw ni Francis Abarcar, 96-94, pero bumira ng pang-lamang na three-points mula sa kanto si John Lester Maurillo na may 22 segundong nalalabi, 97-96.
May pagkakataon ang Muntinlupa ngunit nagmintis ang tira ni Tristan Kyle Villablanca.
Napilitan mag-foul ang Chiefs hanggang itinakda ni Fadriquela ang huling talaan sa dalawang free throw na may anim na segundo at nagmintis ang tres ni Abarcar.
Napiling Best Player si Rodolfo Alota na may 13 puntos habang nagtala ng tig-15 sina Bisbe at Alexander Junsay. Nanatili ang Santa Rosa na pangalawa sa Grupo B na may kartadang 5-1 habang nilasap ng Chiefs ang kanilang ika-pitong sunod na pagkabigo subalit pasok pa rin sa semifinals sa bisa ng pagiging pangalawa sa Grupo A.
Bumuhos agad ng opensa ang Cam Sur upang kunin ang unang quarter, 34-28.
Humigpit ang depensa at nilimitahan ng Express ang Makati sa dalawang puntos lang sa unang mga minuto ng third quarter at itayo ang 70-50 bentahe at tuloy-tuloy ang kanilang arangkada patungo sa kanilang ika-limang sunod na tagumpay at pangkalahatang 6-2 panalo-talo habang lalong nabaon ang Makati sa 0-9. Itinanghal na Best Player si Jayson Orada na may 14 puntos at 16 rebound.








Comments