ni Anthony E. Servinio @Sports | July 31, 2024
Mukha ng tagumpay ang ipinakita ni Kayla Sanchez matapos ang kanyang unang Olympics para sa Pilipinas. “Tuloy ang laban” ang matapang na pahayag ng dalaga matapos makamit ang ika-15 puwesto sa semifinals ng Women’s 100-Meter Freestyle ng Paris 2024 Swimming Miyerkules ng madaling araw.
Umoras si Sanchez ng 54.21 segundo upang magtapos ng ika-7 sa walong kalahok sa pangalawang karera. Ito ay mas mabagal sa 53.67 niya noong quarterfinals na bagong pambansang marka. Kung natumbasan niya ang 53.67 ay hindi pa rin siya mapapabilang sa unang walo na tutuloy sa finals sa taas ng kalidad ng kalahok.
Numero unong papasok sa finals ay si Siobhan Bernadette Haughey ng Hong Kong (52.64) na nagwagi ng pilak sa Tokyo 2020, Jack Shayna (52.72) at Mollie O’Callaghan ng Australia (52.74), Yung Junxuan ng Tsina (52.81), Marrit Steenbergen ng Netherlands (52.86), Sarah Sjoestroem ng Sweden (52.87) na may hawak ng World Record na 51.71 at ang tambalang Estados Unidos na sina Torri Huske (52.99) at Gretchen Walsh (53.18).
Kahit bigo, masaya pa rin siya at napanood siya ng kanyang mga magulang at alam niya na suportado siya ng mga Filipino. Matapos lumipat ng Pilipinas galing Canada, lumangoy si Sanchez sa 2022 Hangzhou Asian Games at 2024 World Championships sa Qatar bago ang Olympics. Samantala, sasalang ang isa pang pambato ng Pilipinas na si Jarod Hatch sa Men’s 100-Meter Butterfly sa Agosto 2 simula 5:00 ng hapon.
Ang defending champion at may-ari ng World at Olympic record na 49.45 na si Caleb Dressel ng Estados Unidos ay kasama sa ika-lima at huling karera. Lalangoy sa pangatlong karera ang pilak ng Tokyo 2020 Kristof Milak ng Hungary at tanso Noe Ponti ng Switzerland at ang 16 na pinakamabilis sa kabuuang 40 kalahok ang tutuloy sa semifinals.
Comments