Sana all, suwerte! Kelot na swak sa GF, nakatakda pang manalo ng malaki sa taong 2026
- BULGAR

- Jul 16, 2024
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | July 16, 2024
Dear Maestro,
May girlfriend ako sa ngayon, at tawagin na lang natin siya sa pangalang ‘Leah.’
Maestro, siya na ba talaga ang makakatuluyan ko? Gusto ko rin sanang malaman kung compatible ba kaming dalawa, at kung sakaling kami ang nagkatuluyan, liligaya at uunlad kaya ang itatayo naming pamilya?
Gusto ko rin sanang humingi ng masuwerteng numero, dahil madalas din akong tumaya sa lotto.
Ang birthday ko ay June 29, 1998, habang November 8, 2000 naman ang birthday niya.
Umaasa,
Richard ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Richard,
Ayon sa zodiac sign mong Cancer, tunay ngang compatible kayo ni Leah, na isinilang sa zodiac sign na Scorpio, sapagkat ang Scorpio at Cancer ay may iisang tinataglay, ito ay ang elementong water o tubig.
Ang birth date na 8 ni Leah ay isang strong number na nagkataong tugma rin sa weak number mo na 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2).
Samakatuwid, tugma talaga kayo sa Numerology at Astrology. Ibig sabihin, kayo na ang magkakatuluyan at magsasama habambuhay.
Samantala, bukod sa numero mong 29 at sa numero ng girlfriend mong si Leah na 8, mapalad din kayo sa mga numerong may sumatotal na 1, 2, 7, at 8, tulad ng 1, 10, 19, 28, 11, 20, 29, 38, 16, 25, 34, 43, 17, 26, 35, at 44. Puwede n’yo ring subukan ang numerong 1, 18, 23, 27, 34, at 40, gayundin ang 6, 17, 22, 31, 38, at 42. Maaari ka ring humugot ng kumbinasyon mula sa Kabbalistic of Numbers: 1732/ 472/ 1643/ 9081.
Para masigurado ang malaking panalo sa anumang uri ng pakikipagsapalaran, maghanap kayo ng lotto outlet na malapit sa tindahan ng mineral water o anumang produktong likido. Pupuwede ring lotto outlet na malapit sa tindahan ng mga gulay o kaya naman, lotto outlet na may babaeng teller na naka-red at may mahabang buhok.
Ang nasabing lotto outlet ang magpapatama sa inyo ng malaking halaga sa taong 2026 hanggang 2027, sa edad mong 28 pataas.




Comments