Samahang Aries-Leo, super-compatible kaya makakatuluyan ang foreigner bf
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| March 10, 2022
Dear Maestro,
Ako ay 40-anyos na at may boyfriend ako pero long distance relationship (LDR) kami at taga-Australia siya. Ang birthday niya ay April 8, 1977 at August 14, 1981 naman ang birthday ko.
Ano ang masasabi n’yo sa relasyon namin, kami na ba ang magkakatuluyan at compatible ba kami? Balak niya na kasi akong dalawin kapag lumuwag at naging okey na ulit ang panahon.
Gayundin, sa edad kong ito, magkakaanak ba ako?
Umaasa,
Ms. Leo ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Ms. Leo,
Sadyang compatible ang zodiac sign n’yong Aries at Leo, sapagkat ang dalawang ito ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong fire o apoy.
Habang sa Numerology, ang birth date mong 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5) at 8 naman ang birth date ng karelasyon mong foreigner ay nagsasabing sadyang compatible kayo dahil maraming isinilang sa petsang 5, 14 at 23 na nakakatuluyan silang mga isinilang sa petsang 6, 17 at 26, at ang ikinaganda pa nito, kapag ang Taong Singko na tulad mo ay nakatuluyan silang Taong Otso, umuunlad ang kabuhayan nila hanggang sila ay tuluyang yumaman.
Ibig sabihin, dahil tugma kayo sa Numero-Astrology na pag-aanalisa, tiyak ang magaganap, sa kanyang pagdalaw dito sa ating bansa, kayo na ang magkakatuluyan at magsasama habambuhay.
Ang pag-aanalisa namang makapag-aasawa ka talaga ng banyaga at makakarating sa ibayong-dagat ay madali namang kinumpirma ng iyong sulat kamay, na matutulis at may magugulong hugis, na pang-foreign handwriting, gayundin ng birth date mong 14 o 5, kung saan karamihan sa mga taong nagtataglay ng numerong 5, 14 at 23, bukod sa nakapag-a-abroad ay nakapag-aasawa rin sila ng foreigner o indibidwal na palaging nangingibang-bansa.
Hinggil naman sa tanong na kung sa edad mong 40 ay magkakaanak ka pa at kung normal ba ang magiging anak mo, hindi n’yo naitatanong si Maestro Honorio Ong ay masasabing “menopause baby” din, dahil 46-anyos na ang aking Inang Talia nang ako ay kanyang ipinanganak, bilang bunso sa 10 magkakapatid.
Ibig sabihin, kung 40 ka lang, siguradong magiging malusog at matalino pa ang iyong magiging anak, hangga’t dinadatnan ka pa rin ng buwanan mong dalaw. Dahil tulad ng naipaliwanag na sa itaas, tunay na ka-compatible mo ang iyong karelasyon, kung saan kayo na ang magkakatuluyan at ito ay magaganap sa taong 2024, sa kanyang pagbisita rito sa Pilipinas. Kasabay nito, tuluyan na ring mabubuo ang maligaya at panghabambuhay na pamilya, kung saan kayo ay bibiyayaan ng dalawang malusog na lalaking sanggol na kukumpleto sa inyong pamilya.




Comments