Saklolo sa OFWs sa Hong Kong
@Editorial | February 22, 2022
Nakaaalarma ang ulat na tinatanggal sa trabaho ang mga Filipino domestic helper sa Hong Kong kapag nagpositibo sila sa COVID-19.
Sa pahayag ni Dolores Pelaez ng United Filipinos Migrante-Hong Kong, maigi umano kung may itinakdang isolation facility sa HK na nakalaan lamang para sa OFWs.
Wala namang bahay ang mga OFWs at nakatira lang sa employer. Kapag nag-positive, mate-terminate, saan na pupunta?
Kaya umaapela sila sa gobyerno ng Hong Kong na magkaroon ng designated quarantine facility ang mga OFWs.
Kung kinakailangan umanong rentahan ang tutuluyan, gawin na lalo’t dumarami na ang nagkaka-COVID.
Huwag sana nating makalimutan na lahat ng ating kababayan saanmang sulok ng mundo ay bahagi ng obligasyon ng ating gobyerno.
Samantala, batay sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), may 41 OFWs sa Hong Kong ngayon na tinamaan ng COVID.
At ang mga sinasabing sinibak sa trabaho matapos nilang magpositibo sa COVID ay tinanggap na muli ng kanilang mga amo matapos makipag-usap sa kanila ang gobyerno ng Pilipinas.
Kaugnay nito, tiniyak din na may pinansiyal na tulong na inilalaan ang pamahalaan para sa mga OFWs na tinamaan ng COVID.
Batid natin na sobrang busy ang mga opisyal dahil sa paparating na halalan, pero sana hindi naman makalimutan ang ibang usapin, katulad nga nitong sa mga kababayan nating nasa ibang bansa.



Comments