Sablay na rollout sa Nat'l ID, talupan!
@Editorial | October 13, 2022
Ano’ng petsa na, wala pa ring National ID?
Marami sa atin ang atat na matanggap ang kani-kanilang National ID para magamit bilang valid requirement sa mga transaksyon sa gobyerno at ibang personal gawain.
Mapalad 'yung iilan na natanggap agad ito sa loob lamang ng ilang buwan, pero para sa mga inabot na ng taon sa kakahintay, aburido na dahil lumipas na lang ang paggagamitan, wala pa rin ang National ID.
Kaugnay nito, pinaiimbestigahan sa Kamara ang palpak umanong rollout ng National ID system.
Pinagpapaliwanag ngayon ang Bangko Sentral ng Pilipinas, NEDA at Philippine Statistics Authority (PSA), ang mga ahensya na nangangasiwa sa nasabing proyekto.
May hirit pa na palitan na ang namumuno sa PSA dahil bigong ipinatupad ang maayos na pamamahagi ng Philippine Identification System (PhilSys).
Malaking bagay sana ito, lalo na sa panahon ngayon na nagkalat ang mga scammer, kung saan malaking bagay kapag may tiyak na pagkakakilanlan, bukod sa libre ay lehitimo ito dahil mula sa sistema ng gobyerno.
Matatandaan din na noong 2020 ay ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon ng PhilSys para sa pag-identify ng pinakamahihirap na pamilya na mabibigyan ng ayuda.
Sa ngayon, inatasan ang BSP na i-produce at i-deliver ang 116-million pre personalized ID’s mula 2021 hanggang 2023.
Sana nga matanggap na ito ng ating mga kababayan, nakapagpalit na't lahat ng pangulo, wala pa ring National ID ang lahat.



Comments