Sabi ng mga bayarang fake news vlogger bababa ang presyo ‘pag si Marcos ang naging President, ‘yun pala lalong tataas
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 15, 2024
SA 2025 SENATORIAL ELECTION SI SEN. BONG GO ANG MAY ‘K’ MAG-TOP -- Sa latest senatorial survey ng “Boses ng Bayan” ay nag-top o nag-rank no. 1 na si Sen. Bong Go.
Sa totoo lang, sa mga re-electionist o sa mga bagitong tatakbong senador ay si Sen. Bong Go ang may “K” mag-top o mag-rank no. 1, kasi nga milyun-milyong mahihirap na kababayang may sakit o pasyente ang nabibiyayaan ng free hospitalization dahil sa batas niyang “Malasakit Center”, bukod d’yan ay mayroon pa siyang “Super Health Clinic” para sa free laboratory, hindi siya pabida sa Senado dahil kapag walang session o Senate hearing ay lumalabas siya sa kanyang tanggapan para magbigay ng tulong sa mga komunidad, palakpakan naman d’yan!
◘◘◘
SEN. BONG GO AT KANYANG PAMILYA, HINDI GAHAMAN SA KAPANGYARIHAN KASI WALA SILANG POLITICAL DYNASTY -- Ang isa pa sa nagugustuhan ng mamamayan kay Sen. Bong Go ay wala siyang political dynasty, na ibig sabihin ang pamilya niya ay hindi gahaman sa kapangyarihan dahil siya lang ang pulitiko sa kanilang angkan.
Hindi tulad ng ibang senador na halos buong pamilya ay nasa pulitika na, lahat may mga puwesto sa pamahalaan, lahat sinusuwelduhan ng mamamayan.
Sana, lahat ng senador o maski ng ibang politicians ay tulad ni Sen. Bong Go na walang political dynasty, period!
◘◘◘
TILA TOTOO ANG PANIBAGONG ATAKE NI EX-P-DUTERTE NA PASYAL LANG NANG PASYAL SA IBANG BANSA SI P-BBM -- Inatake na naman ni ex-P-Duterte si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) nang sabihin ng ex-president na ang sunud-sunod na foreign trips nito (P-BBM) ay para lang mamasyal.
Sa totoo lang, parang may katotohanan ang panibagong banat na ito ni ex-P-Duterte kasi nga pagdating sa bansa ni P-BBM, ang laging ibinibida nito na sa kanyang pagbisita sa ibang bansa ay may mga dayuhang kapitalista raw ang nangakong mag-i-invest ng negosyo sa Pilipinas, pero ang masaklap, hanggang ngayon kahit isang foreign investors ay wala pang nagtatayo ng negosyo sa ‘Pinas, boom!
◘◘◘
PRESYO NG MGA GROCERY ITEMS SA ‘PINAS SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, PATAAS NANG PATAAS -- Inanunsyo ng Dept. of Trade and Industry (DTI) na next week o sa mga susunod na linggo ay magtataas na naman ang presyo ng mga pangunahing bilihin at grocery items.
Mantakin n’yo, katataas lang ng presyo ng mga grocery items last January 2024, tapos may nagbabadya na namang pagtaas ng presyo ng mga grocery items sa mga susunod na linggo.
Noong campaign ng 2022 presidential election, ang ipinakalat sa social media ng mga bayarang fake news vloggers ay kapag naging presidente raw si BBM ay bababa na ang presyo ng mga bilihin sa ‘Pinas, iyon pala kabaligtaran ang nangyari, kasi ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa sa ilalim ng Marcos administration ay pataas nang pataas, tsk!





Comments