Sa walang prenong taas-presyo sa gas, kailangan nang gumamit ng alternatibong sasakyan
@Editorial | March 14, 2022
Sa gitna ng walang prenong taas-presyo sa petrolyo, isinusulong ng Department of Science and Technology (DOST) ang paggamit ng e-vehicles o de-kuryenteng sasakyan.
Panahon na umanong tangkilikin ng publiko ang paggamit ng e-vehicles.
Isinusulong din ng kagawaran ang pag-aaral sa mga baterya na ginagamit sa pagpapaandar sa mga ito upang magkaroon ng sariling supply ang bansa.
Sa ngayon, hinihintay na lamang na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Electric Vehicle Industry Development bill na layuning palaguin pa ang e-vehicle industry sa Pilipinas at palawigin ang charging stations nito.
Samantala, nakasaad naman sa guidelines na inilabas ng Land Transportation Office (LTO) hinggil dito na tanging sa mga pribadong kalsada lang maaaring bumagtas ang mga personal mobility scooter, habang papayagan naman na bumagtas sa national roads ang mga e-motorcycles, e-tricycle, e-vehicles na may apat na gulong sa kondisyong kinakailangan na rehistrado sa LTO at lisensyado ang driver nito.
Malinaw ang panuntunang 'yan, ang problema, mukhang malabo sa karamihan kaya hindi nasusunod.
May mga pasaway na hindi lang batas ang sinusuway, inilalagay pa sa panganib ang sarili at ang buhay ng ibang motorista at mga nasa kalsada.
Kasabay ng pagdami ng mga gumagamit ng e-vehicles, dapat na maging mas mahigpit ang kinauukulan. Baka imbes na maging solusyon, makadagdag pa sa problema.



Comments