top of page

Sa ‘Pinas, mala-teleserye ang korupsiyon, ‘di matapos-tapos

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 17, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | September 17, 2025



Editorial


Kada taon, paulit-ulit na may bagong kaso ng korupsiyon. May mga opisyal na iniimbestigahan at may sabayang hearing sa Senado at Kamara. 

Ngayong taon, dahil sa mas matindi at mala-sindikatong nakawan, may independent commission pa. 


Pero sa opinyon ng publiko, baka wala na namang mangyari. Walang mapaparusahan. Walang makukulong. Laging imbestigasyon lang — parang teleseryeng hindi matapos-tapos.


Ganito na ba talaga ang kalakaran? Isang malaking palabas na lang ang lahat? Kapag may isyu, magpapatawag ng presscon, magpapakita ng galit, pero pagkalipas ng ilang buwan, wala na. Limot na. Tapos uulit na naman ang mga abusado sa kapangyarihan at sugapa sa kayamanan.


Habang ganito ang sistema, patuloy na nanakawan ang taumbayan. Ang perang dapat para sa ospital, paaralan, kalsada, at ayuda — kinukurakot. Samantalang ang ordinaryong Pilipino, todo-tiis sa mahal ng bilihin, at palpak na serbisyo-publiko.


Kung seryoso talaga ang gobyerno laban sa korupsiyon, dapat may resulta. Dapat may managot. Hindi sapat ang puro imbestigasyon. Kailangang tapusin ang kaso, ikulong ang tiwali, at ibalik ang ninakaw.


Tama na ang “forever” na imbestigasyon. Panahon na para ipakita na may totoong hustisya sa ‘Pinas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page