Sa panahon ngayon, kapag ‘di madiskarte sa budget, nganga!
@Editorial | February 1, 2022
Sinalubong ng taas-presyo sa ilang pangunahing bilihin ang unang araw ng Pebrero.
Nakatakdang magtaas ng mula P0.30 hanggang P1.25 ang kada lata ng sardinas habang ang condensed milk naamn ay magtataas ng mula P2.25 hanggang P3.75 at P1.75 hanggang P2.25 ang evaporated milk.
Nauna nang inanunsiyo ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtaas sa presyo ng Pinoy tasty na P3.50 kaya ngayon ay P38.50 na mula sa dating P35 at ang Pinoy pandesal na mula sa dating P21.50 ay naging P23.50 na.
Bago pa ito, tumaas din ang presyo ng isda at karne ng baboy at baka.
Kaya kailangan talagang doble hanggang tripleng kayod para makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Dapat mas galingan ang pagtitipid at i-level up ang diskarte sa pagba-budget para iwas-nganga.
Malaking bagay din na unti-unti nang nagbubukas ang mga negosyo at tumataas ang kapasidad sa mga establisimyento. Mas maraming kostumer, may kita at may trabaho.
Kailangang manatiling positibo sa ating hinaharap. Palagi nating isipin na anumang krisis ay kaya nating malampasan sa pamamagitan ng malinis na pamamaraan.



Comments