Sa pagsisimula ng Alert Level 4... Curfew sa NCR, 10PM-4AM – MMDA

ni Lolet Abania | September 14, 2021

Paiigsiin ang itatakdang curfew ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw sa National Capital Region (NCR) kapag isinailalim na sa Alert Level 4 na implementasyon ng granular lockdowns simula sa September 16, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos.
“Ito ho’y inuusad na. Nagbotohan kami (Metro Manila mayors), ilalabas namin ang resolution na ang implementasyon isasabay sa pilot, magiging 10 ng gabi hanggang 4 ng umaga,” ani Abalos sa isang Palace briefing ngayong Martes.
Sa ngayon, ang curfew sa NCR, kung saan isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Setyembre 15, ay mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.
Nauna nang inianunsiyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na napagkasunduan ng mga mayors sa NCR na ipatupad ang iisa na lamang alert level sa kabuuan, ang Alert Level 4.
Base sa bagong guidelines ng gobyerno, ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4, ang ikalawang pinakamataas na alert level sa bagong scheme, ay iyong may mga kaso ng COVID-19 na mataas ang bilang o nadaragdagan pa habang ang kabuuang mga kama at ICU beds ay nasa high utilization rate.





Comments