Robin Padilla hindi parte ng Uniteam kahit inendorso ni Duterte-Carpio

ni Jasmin Joy Evangelista | February 17, 2022

Hindi ang aktor at senatorial candidate na si Robin Padilla ang ika-12 na senatorial bet ng BBM-Sara UniTeam senatorial slate sa kabila ng endorsement ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Ito ay nilinaw ni presidential aspirant at dating senador Bongbong Marcos matapos iendorso ng kanyang running mate si Padilla sa ginanap na grand rally sa Ilocos Norte nitong Miyerkules.
“Una po, kasamahan namin na mga senators sa UniTeam, 12 na po kami ngayong araw na ito," pahayag ni Duterte bago ipakilala si Padilla.
Gayunman, ilang minuto matapos ang anunsiyo ay sinabi ni Marcos Jr. sa mga naroon na hindi pa parte ng Uniteam slate si Padilla.
“Alam niyo po, si Robin Padilla, kahit hindi po namin kasama ‘yan sa line up ng mga senador [ng UniTeam Alliance] ay matagal na po naming naging kaibigan ‘yan,” ani Marcos.
“At kaya naman eh kahit na hindi siya technically naisama (sa UniTeam Alliance senatoriables), eh pagka-nandiyan siya, kapag mayroon siyang panahon eh sinasama namin,” dagdag pa niya.
“Kahit di po natin kasama sa line up ng mga senador ay matagal na po nating kaibigan yan.”
Sa kanyang speech ay nilinaw niyang hindi parte ng senatorial line up ng Uniteam si Robin Padilla.
“Yun lamang ay hindi ninyo nalalaman, habang kumakanta si Robin Padilla, nagkabotohan doon sa likod, sabi noong ibang mga senador 'wag na nating sinasama ‘yan, masyadong malakas ang kalaban,'” ani Bongbong.
Lalo itong nagdulot ng kalituhan sa lahat matapos sabihin ni Padilla sa isang ambush interview na hindi rin siya sigurado kung siya parte ng Uniteam.
“Wala pa pong pormal na usapan, kasi po yung sa amin ni Ma’am Sara, ano po ‘yun e, talagang ako’y nasa ilalim niya,” pahayag ni Padilla.
Sa mga nagdaang campaign rallies, ineendorso rin ni Sara ang kanyang mga kaibigang tumatakbo sa pagka-senador kahit hindi parte ng Uniteam.
Kabilang dito sina Padilla, Senator Joel Villanueva, Sorsogon governor Chiz Escudero, former vice president Jejomar Binay, former senator JV Ejercito, former presidential chief legal counsel Sal Panelo, at former Philippine National Police chief Guillermo Eleazar.
Kung si Padilla ang kukumpleto ng Marcos-Duterte senatorial lineup, siya ay magiging parte ng slate ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) faction sa pamumuno ni Energy Secretary Alfonso Cusi.





Comments