top of page
Search
  • BULGAR

Riga ng Latvia, kampeon uli sa FIBA 3x3 World Tour

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 23, 2020





Isinalba muli ni Karlis “Batman” Lasmanis ang Riga ng Latvia sa pamamagitan ng nagpapanalong dalawang puntos laban sa numero unong koponan Liman ng Serbia, 21-20, sa makapigil hiningang pagwawakas ng 2020 FIBA 3X3 World Tour Doha Masters Sabado ng gabi (Linggo ng madaling araw sa Pilipinas) sa Al Gharafa Sports Club. Ito na ang ikalawang kampeonato ng mga Latvian sa 2020 upang pantayan ang mga Serbian at matagumpay din nilang naipagtanggol ang parehong korona na pinagwagian nila noong Abril, 2019.


Namuno si Lasmanis na may 11 puntos habang nag-ambag ng tig-apat sina Krumins at Cavars. Kahit dalawang puntos lang ang ginawa, pinili si Nauris Miezis bilang Most Valuable Player ng torneo bunga ng kanyang mahusay na ipinakita sa nakaraang dalawang araw.


Patungo sa tropeo at $40,000 (P1.93 milyon), tinalo ng Riga ang Bielefeld LFDY ng Alemanya sa quarterfinals, 21-7, at Utena Uniclub ng Lithuania sa semifinals, 21-15. Sa kabilang dako, nanalo muna ang Liman sa Lausanne Katapult ng Switzerland, 21-14, at sinundan ng Jeddah ng Saudi Arabia, 21-15.


Pumangatlo ang Utena. May dagdag premyo ang Lausanne para sa pinakamabilis na panalo, 22-7, laban sa NY Harlem ng U.S. sa group stage noong Sabado na tumagal ng 5:10 lang.


Uuwi na ang mga Pinoy na sina Munzon, Alvin Pasaol, Troy Rike at Leonard Santillan ng Manila Chooks TM matapos matalo sa Liman, 15-22, at Lusail, 14-19, sa group stage at magtapos sa ika-11 puwesto sa 12 koponan. Magsisimula na rin ang paghahanda nila para sa 2021 World Tour sa ilalim ni bagong coach Aldin Ayo kung saan inaasahan na matuloy ang naudlot na Manila Masters noong nakaraang Agosto.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page