top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Riga ng Latvia, kampeon ng 2020 FIBA 3X3 World Tour

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 21, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 21, 2020





Ipinasok ng Nauris Miezis ang nagpapanalong dalawang puntos na may anim na segundong nalalabi sa orasan upang makamit ng Riga ng Latvia ang 21-20 na tagumpay kontra Liman ng Serbia sa makapigil hiningang championship game ng 2020 FIBA 3X3 World Tour Finals sa Jeddah Corniche Linggo ng umaga, oras sa Pilipinas. Nararapat lang ang pagwawakas sa pagitan ng dalawang koponan na dinomina ang buong World Tour sa nakalipas na apat na buwan.


Lumamang agad ang Riga, 6-1, subalit nagising at bumawi ang Liman hanggang nakuha nila ang laman matapos ang dalawang free throw ni Stefan Kojic, 20-18, at 1:24 ang nalalabi. Sinagot ito agad ng buslo ni Miezis upang lumapit, 19-20, subalit biglang lumamig ang shooting ng parehong panig hanggang inilabas ni Miezis ang kanyang huling hirit.


Nanguna sa tagumpay si Miezis na may siyam na puntos at siya rin ang piniling Most Valuable Player ng torneo. Sinundan siya nina Karlis Lasmanis na may walo, tatlo kay Edgars Crumins at isa galing kay Agnis Cavars at paghahatian nila ang gantimpalang $60,000 (P2.885 milyon). Sa semifinals, sinayang ng Riga ang walong puntos na lamang subalit kumapit sa huli upang pauwiin ang defending champion Novi Sad ng Serbia, 18-15. Iba ang naging kaso ng Liman at madali nilang tinalo ang Utena Uniclub ng Lithuania, 21-13.


Samantala, inuwi ni Kojic ang kampeonato sa Two-Point Shootout sa bisa ng kanyang 12 sa posibleng 21 puntos. Hinirang si Piotr “Grabo” Grabowski ng Poland bilang kampeon sa Slam Dunk.


Nagkampeon ang Liman ng dalawa sa unang tatlong yugto ng World Tour na ginanap sa Debrecen, Hungary mula Agosto 29 hanggang Setyembre 5. Nakuha ng Riga ang isang kampeonato sa Hungary at bumalik para maghari sa ika-apat at huling yugto sa Doha, Qatar noong Nobyembre 21.


Ginawa ng FIBA ang lahat para lang mairaos ang 2020 FIBA 3X3 World Tour, kabilang dito ang mahigpit na health at safety protocol. Inaasahang babalik ang World Tour sa 2021 na buo at kumpleto ang kalendaryo, kasama ang posibleng yugto o mga yugto na gaganapin sa Pilipinas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page