Reporma sa sektor ng enerhiya kontra non-stop oil price hike
- BULGAR

- Oct 16, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | Oct. 16, 2024

Halos tatlong piso ang dagdag-presyo sa kada litro ng diesel, gasoline at kerosene.
Kaugnay nito, isang grupo ang umapela na alisin muna ang 12-percent value added tax (VAT) sa petrolyo.
Batid naman natin na ang pagtaas ng presyo ng langis ay nagdudulot ng domino effect sa iba pang produkto at serbisyo, na nagiging sanhi ng pagtaas ng gastos ng mga pamilya.
Ang pag-alis ng VAT ay isang hakbang upang mabawasan ang pasanin ng mga mamimili at makapagbigay ng konting ginhawa sa araw-araw na gastusin.
Gayunman, hindi ito magiging madali lalo’t may mga pinaglalaanan din ang nakokolektang buwis sa petrolyo. Kailangang mapag-aralan mabuti.
Kasabay nito, kinakailangan din ang mas malawak na reporma sa sektor ng enerhiya.
Mahalagang paigtingin ang ating kapasidad sa lokal na produksyon ng petrolyo.
Sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga lokal na refinery at pag-invest sa renewable energy, maaaring mabawasan ang ating pagdepende sa imported na langis.
Ang pag-develop ng mga alternatibong pinagkukunan ng enerhiya, tulad ng solar at wind, ay makatutulong ‘di lamang sa pagbabawas ng presyo kundi pati na rin sa pagsugpo sa climate change.
Dapat ding isagawa ang mas masusing regulasyon sa industriya ng langis. Ang mga dagdag-presyo na walang sapat na dahilan ay dapat suriin ng mga ahensya ng gobyerno upang maprotektahan ang mga mamimili.
Ang pagbibigay ng subsidy sa mga mahihirap na sektor ay maaari ring makatulong.
Masasabing ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay isang kumplikadong isyu, kailangan ng pag-aaral at aksyon.
Panahon na para ipakita ang ating determinasyon na hindi lamang umaangkop sa mga hamon kundi upang maging mas matatag.
Tanong naman sa mga nag-aambisyong makapuwesto sa gobyerno, ano ang inyong solusyon sa non-stop oil price hike?


Comments