Puntod nina Ninoy, Cory at Noynoy, pinadalhan ng bulaklak ni p-bbm
- BULGAR
- Nov 3, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 3, 2022
P-BBM NAGPADALA NG BULAKLAK SA PUNTOD NINA NINOY, CORY AT NOYNOY—Noong Undas ay nag-viral sa social media ang larawang nagpadala si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ng mga bulaklak sa puntod nina dating Sen. Ninoy Aquino, dating Pangulong Cory Aquino at dating Pangulong Noynoy Aquino.
Patunay 'yan na pagkakaisa ng mga Pinoy ang nais ni P-BBM. Kaya't sa mga bloggers at vloggers na iniintriga pa rin ang Marcos vs. Aquino ay tumigil na kayo.
◘◘◘
PULITIKO KAPAG MAY BAGYO PARANG MGA PULIS SA PELIKULA, LATE KUNG SUMAKLOLO—Kapag may kalamidad na nanalasa sa bansa, ang mga pulitiko ay parang mga pulis sa pelikula, na uubusin muna ng bida ang sangkaterbang kontrabida at kapag ubos na ay saka pa lang darating ang mga parak.
Isipin mo, nakalabas na ng bansa ang bagyo ay saka pa lang pupunta ang mga pulitiko sa evacuation center para mamigay ng relief goods.
◘◘◘
DAPAT MAGDEKLARA NA SI P-BBM NG MINING AT LOGGING SA BANSA—Sinabi ni P-BBM na isa sa mga nakita niyang dahilan kaya nagkaroon ng landslide ay dahil sa pagkakalbo ng kabundukan.
Dahil pangulo mismo ang nakakita nito, dapat ibasura na ang Executive Order na nagbibigay-luwag sa mga kompanya ng mining at logging.
Ang nais nating ipunto, dapat magdeklara na si P-BBM ng mining at logging bansa sa buong bansa upang wala nang maganap na trahedya kapag may nanalasang bagyo sa 'Pinas.
◘◘◘
PARA MAKALIGTAS SA DEADLY VIRUS, PAGSUOTIN PA RIN NG FACE MASK ANG MGA ESTUDYANTE—Kinontra ng iba't ibang doctor's association ang utos ni Vice-Pres., DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio na voluntary o opsyunal ang pagsusuot ng face mask sa ipinaiiral na face-to-face class ng pamahalaan.
May punto ang mga doktor na kontrahin ito kasi deadly pa rin ang COVID-19 at patuloy itong nananalasa sa bansa.
At kung sakaling hindi babawiin ni VP, DepEd Sec. Sara ang kautusan, panawagan natin sa mga parents na pagsuotin pa rin ng face mask sa klase ang kanilang anak para makaligtas sa deadly virus.





Comments