top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pumatol sa kapwa OFW na may asawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 14, 2021
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 14, 2021



Dear Sister Isabel,

Ayoko na sanang maalala pa ang aking nakaraan, subalit muli at muli itong nagbabalik sa aking alaala. Dati akong overseas Filipino worker, may nakilala akong kababayan sa abroad at nag-ibigan kami kahit alam kong mayroon na siyang asawa. Hindi ko alam kung paano ako nahumaling sa kanya, gayung hindi naman siya guwapo at lalong wala sa kanya ang katangiang hanap ko sa isang lalaki.

Marahil ay ginamitan niya ako ng gayuma o ‘yung tinatawag na love potion oil. Madalas kasi ‘pag hinawakan niya ang kamay ko, feeling ko ay may langis siyang ipinahid sa kamay ko. Kapag tinanong ko siya, ang isasagot niya ay wala lang at natapon ‘yung baby oil na gamit niya at hindi niya napunasang mabuti.

Halos 3 years din kaming nag-ibigan nang lihim hanggang kapwa na kami umuwi sa Pilipinas sa piling ng aming kani-kanyang pamilya. Tuluyan na akong umiwas sa kanya at nagtago sa lugar na hindi niya ako puwedeng puntahan. Hanggang isang araw ay nagulat ako dahil nagkita kami sa isang birthday party, kaibigan pala niya ‘yung bestfriend kong nag-birthday.

Dahil du’n, bumalik ang alaala ng lumipas at muli kaming nag-ibigan. Ang problema ko, ayaw na niyang humiwalay sa akin, mababaliw daw siya kapag muli kaming magkakalayo.

Ang alam ng parents ko ay wala siyang asawa at dahil ako naman ay single, pumayag ang mga magulang ko na makipagrelasyon ako sa kanya sa kasunduang magpapakasal din kami kapag nakaipon ng sapat na halaga. Alam kong mali, pero nahihirapan akong umiwas.

Ano ang the best na solusyon para matapos na ang bawal na pag-ibig na itong napasukan ko? Umaasa ako na matutulungan ninyo ako sa aking problemang inilapit sa inyo.


Nagpapasalamat,

Jennifer ng Eastern Samar


Sa iyo, Jennifer,

Hindi maitutuwid ng isa pang pagkakamali ang nagawa mong mali sa simula pa lang ng kuwento mo. Magulong buhay ang pinapasok mo. Walang kapayapaan ng isipan at may naaapakan kang kapwa mo babae dahil ang sabi mo ay may asawa na ang karelasyon mo. Kung nakaiwas ka noong una, tiyak na makakaiwas ka ulit. Huwag mong hayaang maling landas ang tahakin mo habambuhay, kaya tigilan mo na ang iyong kahangalan. Putulin mo na ang iyong kahibangan habang hindi pa huli ang lahat. Habang hindi pa natutuklasan ng asawa niya, na sa sandaling mangyari ‘yun, tiyak na malaking gulo at maaaring humantong sa pagkabilanggo ninyong dalawa o magbuwis pa ng buhay ang isa sa inyo.


Muli, layuan mo na ang lalaking ‘yan. Mag-abroad ka ulit nang hindi niya nalalaman, ilihim mo ang lahat sa kanya habang nilalakad ang mga papeles mo. Magagawa mo ‘yan kung talagang gugustuhin mo.


Balang-araw, makakakita ka rin ng katapat mo na walang sabit at tumutugon sa ideal man mo. Hilingin mo ‘yan sa Diyos at tiyak na ipagkakaloob ito sa takdang panahon. Mamuhay ka nang naaayon sa kabutihan at kabanalan. Alalahaning ang sinumang tumatahak sa maling landas ay magkakamit ng kaparusahang walang hanggan at ang sinumang nasa panig ng kabutihan ay siyang pagpapalain magpakailanman.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page