top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Pulitika sa ‘Pinas, family business na nga ba?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 6, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | Oct. 6, 2024



Editorial

Sa nagpapatuloy na paghahain ng certificate of candidacy para sa eleksyon sa 2025, kapansin-pansin na dumarami ang magkakapamilya na tatakbo. Mula sa mag-asawa hanggang sa magkakapatid at mag-aama o mag-iina.


Tila mas lalong namamayagpag ang isang trend sa ating pulitika, ang pag-usbong ng mga pamilyang may hawak ng kapangyarihan na sinasabi ng iba na parang nagiging “family business” na. 


Maraming pamilya ang nagkakaroon ng sunud-sunod na mga miyembro na nahahalal sa iba’t ibang posisyon, bagay na nagdudulot ng mga katanungan tungkol sa demokrasya at patas na representasyon sa ating bansa.


Ang ganitong sitwasyon ay nagiging ugat ng nepotismo, kung saan ang mga magkakapamilya ay nabibigyan ng pagkakataon, kahit na walang sapat na kuwalipikasyon. 


Sa halip na mga lider na may tunay na malasakit at kakayahan, ang mga botante ay nahaharap sa mga kandidato na batay lamang sa kanilang apelyido. 


Madalas, ang mga pamilyang ito ay nagiging simbolo ng kapangyarihan at impluwensya, na naglilimita sa pagpasok ng mga bagong ideya at boses mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. 


Gayunman, hindi natin maikakaila na ang pagkakaroon ng suporta mula sa pamilya ay nagbibigay ng lakas sa isang kandidato. Sa mga pagkakataong ito, ang kanilang pagkakaisa ay tila nagiging inspirasyon sa mga tagasuporta. 


Pero dapat nating tandaan na ang tunay na batayan ng pagkakapanalo ay hindi dapat nakasalalay sa ugnayang pamilya kundi sa platapormang ihahain sa bayan.

Tayo bilang mga botante ay may responsibilidad na suriin ang mga kandidato hindi lamang batay sa kanilang pamilyang pinagmulan kundi sa kanilang kakayahan, integridad, at tunay na malasakit sa bayan. Dapat tayong maging mapanuri at magtanong: Sa ating pagsuporta, nagiging bahagi ba tayo ng pagbabago o nagiging kasangkapan sa pagpapanatili ng isang sistema na naglilimita sa ating mga pagkakataon?


Nawa’y sa darating na halalan, isaalang-alang natin ang mas malawak na interes ng lipunan, hindi lamang ang mga personal na koneksyon. Ang ating boses sa halalan ay may kapangyarihan — maging ito man ay mula sa isang pamilyang magkakasama o sa isang indibidwal na may malasakit sa bayan.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page