Publiko, ‘wag nang pasaway sa basura
- BULGAR

- Jul 30, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | July 30, 2024

Ilang araw na mula nang salantahin ang bansa ng mga bagyo at Habagat.
Gayunman, ilang araw na rin ang perhuwisyong naidudulot ng mga naiwang basura sa mga kalsada at looban ng mga barangay.
Problemado ang mga residente dahil sa mga ga-bundok na basurang nakahambalang sa daan na hindi pa nakokolekta. Bukod pa rito, grabe rin ang amoy at tiyak na may dulot itong panganib sa kalusugan.
Masuwerte sa ibang lugar na naging mas maagap ang mga opisyal at nahakot agad ang mga basura. Habang may ibang barangay naman na wala na lang magawa ang mga residente kundi ang magreklamo sa social media.
Sa pagkakataong ito, sana ay natuto na rin ang lahat na maging mas disiplinado sa pagtatapon ng basura. Hindi lang basta kalat ang bumabalik sa atin, kundi may higit pang panganib kapag nagpatuloy ang kawalang malasakit sa kalikasan.
Mas paigtingin pa sana ng mga nasa gobyerno ang mga programa at proyekto na makapagbabawas ng basura at tayo namang mamamayan, dapat tayong makiisa, huwag pasaway!



Comments