Publiko, maging mas mautak kontra-scammers
@Editorial | March 21, 2022
Maraming mga Pinoy ang nagsasagawa na ng mga transaksyon online -- banking, shopping at pag-order ng pagkain.
Ito ay para maiwasang mahawahan ng COVID-19 at kahit paano ay upang makatipid din umano sa gastos, oras at effort.
Gayunman, kailangang maging responsable sa pakikipagtransaksyon online at mag-ingat laban sa cybercrime activities.
Kasabay ng mga online transactions, nagiging talamak ang pang-aabuso at iba't ibang modus operandi.
Sa ngayon, mahirap nang matukoy ang websites o emails na posibleng gumagawa ng cybercrime dahil pinagmumukhang lehitimo ng mga salarin ang mga emails at messages na kanilang ginagamit para sa cybercrime.
Pati istayl nila 'pag tumatawag, aakalain mong legit dahil kabisadong-kabisado na ang mga sasabihin at isasagot.
Kaya gawing triple ang pag-iingat, huwag magpapadala sa mga salita lalo na sa paninindak. Huwag hayaang ma-scam, sa halip tayo ang dapat nilang katakutan. Maging alerto at agad na makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sila'y mahuli at maturuan ng leksyon.
Ayon sa ulat, nakitaan ng pagdami ng naitatalang cybercrime cases ang Philippine National Police (PNP). Tumaas din ang insidente ng identity theft, system hacking at ATM o credit card fraud. Pero kung magtutulungan ang kinauukulan at ang publiko, kaya pang mapigilan o mabawasan ang masasamang gawaing ito.



Comments