top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Publiko, ingat sa bagong package scam!

BULGAR
Jan 18, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 18, 2023


Sa gitna ng patuloy na pagkalat ng iba’t ibang uri ng scam sa pamamagitan ng unregistered SIM, tila ayaw magpaawat ng mga kawatan, kaya nagbigay-babala ang PNP-Anti Cybercrime Group tungkol sa panibagong scam na kumakalat ngayon. Partikular ang Philpost package scam, kung saan maraming Pilipino na rin ang nabiktima ng umano’y mga unclaimed package sa nasabing tanggapan.


Ang modus, makatatanggap ng tawag ang target na biktima mula sa automated machine na diumano’y mula sa Philpost. Sinasabi na may parcel na nakumpiska na naglalaman ng mga ilegal na dokumento, tulad ng bank cards at passport, at ang biktima ay ‘under investigation’.


Pagkatapos nito ay ipakakausap ang biktima sa mga nagpapanggap na PNP at AMLAC (Anti-Money Laundering Council) officers na umano’y taga-Cebu gamit ang Skype Application.


Ipaliliwanag sa naturang tawag na biktima diumano ng identity theft ang naturang indibidwal at kailangan nitong linisin ang kanyang pangalan sa pagkakadawit sa money laundering. Sasabihin naman ng sindikato na kailangang magbayad ng bond habang inaayos ang kaso ng mga binibiktima gamit ang e-wallet.


Ilan lamang ito sa mga modus ng mga scammer, kaya dapat umanong maging mapanuri ang publiko para i-report sa lehitimong law enforcement agencies upang maimbestigahan at maaresto ang mga scammer.


Apela ng mga awtoridad sa publiko, kung may mga reklamo, katanungan at suhestiyon, direktang makipag-ugnayan sa PNP-ACG sa pamamagitan ng Facebook page gamit ang messenger o tumawag sa kanilang hotlines.


Habang sinisikap ng gobyerno na matuldukan ang iba’t ibang uri ng scam, todo-kayod din ang mga kawatan. Talagang sinusulit ng mga ito ang natitirang araw bago tuluyang maipatupad ang mandatory SIM registration. Kaya habang may pagkakataon, ayaw nilang magpaawat sa mga panloloko.


Para sa mga nasa likod ng ganitong modus, kaunting araw na lang at may kalalagyan din kayo.


Para sa kinauukulan, tiyaking maparurusahan ang mga sangkot sa naturang panloloko at patunayang may ngipin ang batas sa Pilipinas.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page